Dennis kay Gerald: Sana sagutin mo naman mga text ko…

TILA bad trip pa rin si Dennis Padilla kay Gerald Anderson. May konek pa rin ito sa pagkakadawit ng anak niyang si Julia Barretto sa break up nina Gerald at Bea Alonzo.

Sa himig ng pananalita ng komedyante nang mag-guest sa Tonight With Boy Abunda, hindi niya gusto ang pangdededma sa kanya ng Kapamilya actor.

Hiningan si Dennis ng mensahe para kay Gerald at dito na nga lumabas ang hugot niya sa aktor, “Parang nakaapat na text na ako du’n, e, hindi siya sumasagot, e.” 

Diretsong pahayag niya kay Gerald, “Dapat sagutin mo naman yung text ko.”

Hindi na nagdetalye si Dennis kung ano ang mga text message na ipinadala niya kay Gerald pero aniya, siya talaga ang unang gumawa ng hakbang para makausap si Gerald para malinawan ang tungkol sa kanila ni Julia.

Pagpapatuloy ni Dennis, “Ang totoo du’n, ako yung nag-text. Sinabi ko, ‘Puwede mo ba akong tawagan, si Dennis Padilla ‘to?

“Mga after 45 minutes, tumawag naman, may niliwanag lang ako sa kanya. Sabi ko lang, ‘Anak ko ‘yan, e.’

“Yun lang, ‘Pinapaalala ko lang na anak ko si Julia Barretto,'” aniya pa.

Dito nga raw inamin ni Gerald na totoong break na sila ni Bea at nililigawan niya si Julia.

Mas lalo pang uminit ang kontrobersya nang biglang magsalita ang nanay ni Gerald na si Evangeline Opsima laban kay Bea.

Ayon kay Gng. Opsima hindi talaga niya gusto si Bea para kay Gerald at pinag-aawayan daw talaga nila lagi ng anak ang pakikipagrelasyon nito sa kanya.

Read more...