Duterte matutuwa sa anti-drug campaign ng ‘Beautiful Justice’


WOMEN empowerment at pagtulong sa illegal drug campaign ng Duterte administration ang dalawa sa ipinaglalaban ng bagong action-drama series ng GMA 7, ang Beautiful Justice.

Dito patutunayan ng tatlong female Kapuso stars na sina Yasmien Kurdi, Bea Binene at Gabbi Garcia na hindi lang pag-iyak ang kaya nilang gawin sa isang teleserye – keri rin nila ang sumabak sa aksyon at pakikipagbakbakan.

Mala-Charlie’s Angels ang peg ng Beautiful Justice kaya talagang nag-training muna nang bonggang-bongga ang tatlong bida pati na rin ang iba pang members ng cast bago sinimulan ang production nito.

Bukod sa shooting lessons at krav maga training, sumailalim din sa matinding ensayo sina Bea, Gabbi at Yasmien para sa mga action stunts na kanilang gagawin sa serye.

Gagampanan nila ang mga karakter nina Kitkat, Brie at Alice — na magsasanib-pwersa para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay na konektado sa isinagawang anti-drug operation ng mga PDEA agents.

Sa ginanap na presscon ng Beautiful Justice kamakalawa ng gabi, ibinandera ng tatlong bida kung gaano ka-challenging at kahirap ang mga action scenes nila sa serye.

Para kay Bea, na aktibo rin bilang wushu athlete, kinarir talaga niya ang krav maga para para mas mabigyan niya ng justice ang kanyang role.

“It’s very different than what I do, it’s more of self defense. And what I like about it is magagamit ko siya kahit hindi sa show kasi dagdag kaalaman siya eh. Mahirap yung mga eksena namin pero kaya naman, exciting,” kuwento niya.

Ayon naman kay Yasmien, dahil sa Beautiful Justice marunong na siyang gumamit ng baril, “Nakakatanggal na ako ng bullets, nakakapasok na ako ng bullets, nakaka-shoot nako and, syempre, ‘yung how to defend yourself, ngayon ko lang nagagawa sa show na to.”

Huling nakipagbakbakan ang Kapuso IT Girl na si Gabbi bilang si Sang’gre Alena sa reboot ng Encantadia, pero mas buwis-buhay daw ang mga gagawin nila sa BJ. Dito rin daw nila patutunayan na kering-keri rin ng mga kababaihan ang mag-aksyon sa telebisyon.

“Our characters here, hindi na siya ‘yung typical drama na iiyak (like) you’re gonna cry over a guy. Dito, palaban na kami,” pahayag ni Gabbi.

“We can also prove through this soap na not only men can do action. Women can also do action,” aniya pa.
Magsisimula na ang Beautiful Justice sa Sept. 9 sa GMA Telebabad, directed by Mark Reyes.

Makakasama rin dito sina Victor Neri, Derrick Monasterio, Gil Cuerva, Bing Loyzaga at Valeen Montenegro, with the special participation of Gabby Eigenmann.

q q q

Samantala, ayon kay Yasmien Kurdi siguradong matutuwa si Pangulong Rodrigo Duterte at ang PDEA sa mga ipakikita nila sa Beautiful Justice, lalo na ang tungkol sa paglaban sa mga sindikato ng droga.

Ayon kay Yas, “I believe na maa-appreciate ni President Duterte ang Beautiful Justice dahil ipakikita namin dito ang katapangan ng ating mga PDEA agents.

“Kung paano nila ibinubuwis ang buhay nila para malabanan ang mga drud syndicates sa bansa natin at kung paano naaapektuhan ang mga relasyon nila sa kanilang mga pamilya,” pahayag ni Yasmien.

Bukod dito, siguradong makaka-relate rin ang manonood sa kuwento ng BJ dahil tatalakayin din dito ang iba’t ibang uri ng pagmamahal, mula sa asawa, kapatid hanggang sa mga katrabaho at kaibigan.

Read more...