Salamuch sa Batang Pinoy

NAPAKALAKING bagay ang programa ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa kabataang atleta na Batang Pinoy

Dahil sa Batang Pinoy ay tiyak na hindi mapuputol ang pagkakaroon ng bansa ng mga sporting heroes.
Kasalukuyang ginaganap ang Batang Pinoy National Finals sa Puerto Princesa City sa Palawan at hindi kukulangin sa 10,000 na mga batang atleta at opisyal ang lumahok dito.

Isa pang dapat banggitin ay ang pagdaraos ng mga aksyon sa sports complex na pinangalan sa dakilang freedom fighter at mambabatas na si Ramon V. Mitra. Ngunit dahil na rin sa dami ng mga gintong medalya na paglalabanan ay nakakalat sa iba’t-ibang lugar ang mga palaruan.

Ang paligsahan ay matibay na halimbawa ng kooperasyon sa pagitan ng Philippine Sports Commission at ng mahigit sa 200 Local Government Units.

Pinupuri ko ang walang kapagurang si PSC chairman Butch Ramirez at ang mga commissioners na sina Charles Maxey, Ramon Fernandez, Celia Kiram at Arnold Agustin sa patuloy na nagsisilbi para sa kabutihan ng mga atleta.
Dumating sa pagbubukas ng Batang Pinoy noong Linggo si DepEd Secretary Leonor Briones bilang pagkilala sa kahalagahan ng kumpetisyon sa paghubog sa karakter ng kabataan. Siyempre pa, nagbigay din ng inspirasyon si Senador Bong Go, Puerto Princesa Mayor Lucilo Bayron, Palawan Governor Jose Alvarez at ang napakasipag na anak ni Mitra na si Abraham ‘’Baham’’ Mitra na nakapuwesto ngayon bilang hepe ng Games and Amusements Board (GAB).

Nais ko ring banggitin ang grupo ng mga kawani sa PSC na nag-aasikaso sa mga mamamahayag na nasa Puerto Princesa.
Tenk you Malyn Bamba at sa iyong mga masisipag na kasama na napapadali ang trabaho ng aking mga kaibigan. Mabuhay kayo Joash Nicanor, Rens Realogio, Chariza de Vera, Enzo Gregana, Arianne Mallare at Aijeleth Rances.

Ngunit ang tunay na pokus ng labanan ay ang mga atleta na pagdating ng takdang panahon ay sila naman ang mabubunying magwawagayway ng bandera ng Pilipinas sa iba’t-ibang internasyonal na paligsahan.
Hindi natin maiiwasan at malalabanan ang Father Time, at darating ang araw na babagal, lalabo ang mata, sasakit ang tuhod, mapipilay, mawawala ang “drive to excel’’ ng mga kasalukuyang pambansang atleta kung kaya’t napakahalaga ng tinatawag ng “continuity of talents’’ para hindi magkaroon ng tag-tuyot ang pambansang koponan.
Dito pumapasok ang Batang Pinoy.

Ayon sa talaan, naghihintay sa mga magwawagi ang 820 ginto, 820 pilak at 1,395 medalyang tanso mula sa 31 sports events.
Sa mga mabobokya, huwag kayong malungkot sapagkat hindi ito ang katapusan ng mundo. Dahil mga bata pa ay natitiyak kung napakaraming bagay pa ang magbabago sa inyong mga laro kung palakasan ang pag-uusapan.

Walang dudang hinihintay ng madlang pipol future stars mula sa swimming, gymnastics, boxing, athletics, volleyball, karate, muay thai, archery, at marami pang sports.

Bago ko nga pala makalimutan at dahil na rin sa kagustuhan ng PSC na sundutin pa ang pagpapaunlad ng palakasan ay may nakalaang tumataginting na P3 milyon halaga ng sports equipment sa LGU na makukuha ang overall title.
P2.5 milyon naman ang mapupunta sa second placer, P2 milyon sa third placer, P1.5 milyon sa 4th placer at P1 milyon sa 5th placer.
Magmumula rin sa Batang Pinoy ang magiging kinatawan ng Pilipinas sa Children of Asia Games 2020 na gaganapin sa Russia.

Hala Bira!
MILAGRO PUWEDE!

Hindi na bago kay chairman Butch Ramirez ang milagro kung pag-uusapan ang kampanya ng bansa sa Southeast Asian Games.
Chef de Mission si Ramirez matapos gulatin ng Pilipinas ang mga kapitbahay sa pamamagitan ng pag-sungkitin sa overall title ng biennial Games noong 2005 kung kailan tayo rin ang host ng SEAG.

Upang ilagay sa tamang landas ang kampanya ng Pilipinas ay muling naging Chef de Mission si chairnan ng bansa sa 30th SEA Games na aarangkada mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 1 na gaganapin sa New Clark City, Tagaytay, Maynila at Subic. Dahil sa matapat na public servant at upang hindi masayang ang P6 bilyon badyet ng bansa ay muling nanawagan si Ramirez na ulitin ang milagro ng 2005.

“Para sa akin, hindi imposible na mag-champion tayo kasi host tayo eh, atsaka malaki itong budget na inasikaso natin.“We have to remove that idea na hindi tayo mag-cha-champion. There must be an ROI (Return of Investment), malaki yung ginastos ng gobyerno.” ani Ramirez na palaging sinasabi ang kahalagahan ng pagkakaisa ng PSC, Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine SEA Games Organizational Committee Inc. (PHISGOC) upang tiyakin ang tagumpay ng hosting.

Read more...