UMABOT sa halos 150 katao na sangkot sa transactional sex ang nahawaan ng human immunodeficiency virus (HIV) noong Mayo, ayon kay Department of Health (DOH).
Base sa pinakahuling datos mula sa Philippine HIV and AIDS Registry, sa kabuuan, 144 ang nagkaroon ng HIV, matapos ang transactional sex, 77 dito ay nagbayad kapalit ng sex, 41 ay tinanggap ang sex bilang kabayaran at 26 naman ay sangkot sa parehong aktibidad.
Idinagdag ng ulat na ang “special population” group ay kumakatawan sa 13 porsiyento ng 1,092 bagong kaso ng HIV na iniulat sa DOH para sa buwan ng Mayo.
Karamihan sa mga ito o 97 porsiyento ay mga lalaki na may edad mula 16 hanggang 61, samantalang ang nalalabi ay mga kababaihan.
“People who engage in transactional sex are those who report that they regularly accept payment for sex, pay for sex, or do both,” ayon sa ulat.
Tinatayang 94 porsiyento o 1,029 ng bagong kaso ng HIV ay mga lalaki.
Samantalang, 48 porsiyento o 526 na kaso ay nasa edad na 25 hanggang 34-anyos, at 32 porsiyento naman o 345 katao ay may edad na 15 hangggang 24-anyos.
Nakapagtala naman ng 53 mga namatay noong Mayo, kung saan 98 porsiyento ay mga lalaki.
Base rin sa datos, 31 porsiyento o 339 ay mula sa National Capital Region.
Kabilang naman sa limang rehiyon kung saan naitala ang pinakamataas na bilang ng HIV ay ang NCR, Region 4 (16 porsiyento, 170), Region 3 (11 porsiyento, 124), Region 7 (8 porsiyento, 82) at Region 6 (7 porsiyento, 79)
“Males having sex with other males (97 percent) was the predominant type of sexual transmission. Other modes of transmission were sharing of needles among drug users (14) and mother-to-child transmission (6),” sabi ng ulat.
Sinabi pa sa ulat na tatlo sa mga kaso ng HIV ay buntis.
Sa kabuan, nakapagtala ng 67,395 kaso ng HIV mula Enero 1984 hanggang Mayo 2019, ayon sa DOH.