SA ngayon, tatlong patakaran ang seryosong ipinapatupad sa lahat ng headquarters ng
PNP sa Metro Manila, maging maliit na community precinct, police station, o district command.
Sa ilalim ng Intensified Cleanliness Policy (ICP) ni PNP-NCRPO Chief Gen. Guillermo Eleazar, ang unang patakaran ay “kali-nisan sa lahat ng tanggapan ng pulis at paligid nito.
Ikalawa ang “kalinisan ng lahat ng ranggo ng pulis sa naturang istasyon”.
At ikatlo ang “kalinisan ng Metro Manila mula sa krimen at illegal drugs”.
Isang napakalaking hamon, pero talagang seryoso si General Eleazar.
Kapag may kasamahang pulis sa loob ng istasyon na sangkot sa ilegal na droga, sibak sa pwesto ang police commander.
Kapag may mga kasamahan ang police commander na hindi natutukan o gumawa ng kasamaan, relieve siya agad sa pwesto. Sa mga police scalawag, paiiralin ang “one strike policy” at sisibakin sa pwesto at tatanggalin sa pagkapulis.
Kapag ang presinto o istasyon ay dugyot o marumi, bibigyan ng warning ang police commander sa unang pagsita pero sisibakin na sa pwesto sa ikalawang pagkakataon. Kasama rin sa patakaran ang “proper attire” at “proper behavior” ng mga pulis, kabilang na ang pagbabawal na manigarilyo habang naka-uniporme.
Ayon kay Gen. Eleazar, layunin nilang lutasin agad ang maliliit na problema sa bawat presinto para hindi na tuluyang lumala tulad ng sinasabi ng “broken windows theory” sa Amerika kung saan aksyon agad sa mga “petty crimes”.
Tandaan natin na ang NCRPO ang kinilalang 2018 best regional police station ng PNP at pangunahing dahilan ang pagbagsak ng bilang ng krimen sa 58% sa loob lamang ng isang taon.
At dito, napakalaking bagay ang kredibilidad ng lider nitong si Gen. Eleazar na nagpakita ng matinding political will dito sa Metro Manila. Marami siyang sinibak sa pwesto, hindi lamang mga police chief ng Pasay, Taguig, Las Piñas at Caloocan, kundi maging ang ilang District commanders ng NCRPO dahil sa ibat ibang kasalanan.
Noong araw, untouchable ang mga tiwaling pulis, ganoon din ang mga adik na mga bata nila. Ang mga presinto ay kilala bilang “presinto kwarta” kung saan ang mga nagrereklamo ay tinataga pa ng mga pulis at ang mga asawa ng suspect ay sinasalbahe.
Ang mga station commander ay may kota sa mga tauhan nila para gumawa ng pera sa mga ilegal na sugalan, vendor at iba pa sa kanilang nasasakupan.
Pero ngayon, iba na ang nangyayari. Doble na ang sahod ng mga pulis at ang kanilang benepisyo ay inaasikaso na ng gobyerno.
Higit 5,000 kaso ang isinampa laban sa mga corrupt na pulis at halos 900 ang tinanggal na sa serbisyo.
At sa “intensified cleanliness policy” ni Gen. Eleazar, isang matindihang cleansing o paglilinis sa hanay ng pulisya sa Metro Manila ang masasaksihan natin.
At tama si General, ang unahin dapat ay mismong bakuran ng PNP-NCRPO, mula loob at labas ng presinto para gumanda ang work environment ng mga pulis at maging mas masigla ang kanilang performance.
At tayong publiko naman ang magmamanman sa kanila. May kanya-kanya tayong cellphone at camera na handang kunan ng video o photo hindi lang ang mga tiwali at abusadong pulis kundi maging ang maganda nilang gawain. Bantayan natin ang mga pulis-NCRPO na ito!
Bantayan IntensifiedCleanliness Policy ng NCRPO
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...