NAGING usap-usapan sa social media ang pagpapakain ni Marian Rivera ng broccoli puree sa bunsong anak nila ni Dingdong Dantes na si Baby Ziggy.
Nag-post ang Kapuso Primetime Queen ng isang litrato sa Instagram kung saan pinapakain niya ang anak.
Marami ang nagbigay ng payo kay Marian tungkol sa pagpapakain ng solid food sa mga four-month-old babies tulad ni Ziggy.
Isa na rito ang netizen na nagsabing mag-ingat ang aktres sa ipinapakain niyang gulay sa sanggol dahil baka malagay sa peligro ang bata.
“Broccoli might not be a good choice for one of Baby’s first vegetables as it may cause gas. Broccoli may also be a bit hard for a young infant to digest. The current suggested age for introducing broccoli to baby is when baby is 8-10 months old,” warning ng kanyang IG follower.
Maraming nagkomento sa post ng netizen, pero ilan dito ay puro kanegahan ang sinasabi kaya napilitan nang sumagot ang misis ni Dingdong.
Sinagot ni Marian ang babala ng netizen kasabay ng pakiusap na maging maingat sa pagkokomento tungkol sa pagiging nanay niya at sa iba pang ina na nagpapakain ng gulay sa kanilang mga sanggol pang anak.
“Nais kong ipakita ang suporta ko sa breastfeeding advocacy magmula noon hanggang ngayon.
“Bagamat nakapagsimula ako ng solids kay Ziggy sa mga nakaraang araw base sa payo ng aming pediatrician, wala akong plano na ihinto ang aking pagiging padede mom sa aking bunso.
“Batid ko ang kahalagahan ng eksklusibong pagpapasuso mula 0-6months,” simulang pahayag ni Marian.
Pakiusap pa niya, “Isang pakiusap lamang po, nawa’y sa adbokasiyang eto ay hindi tayo makasakit ng damdamin ng mga kapwa natin ina, nawa’y hindi gamitin ang pangalan ko sa mga kumento at mensahe na humuhusga sa pag bigay ko ng masustansyang gulay sa aking anak.
“Kinikilala ko po ang rekomendasyon ng WHO patungkol sa complementary feeding. Eto po ang sundin nyo. Kung meron man akong ginawa na hindi base dito, huwag naman sana itong maging batayan para ako ay mahusgahan.
“Lahat po tayong ina ay gusto lamang ang ‘best’ sa kanyang anak. Hanggat kaya ko ay lalaban ako bilang #padedemom #notomomshaming,” aniya pa.