Cignal, F2 Logistics sisimulan ang PSL All-Filipino title duel

Mga Laro Sabado (Agosto 24)
(Araneta Coliseum)
4 p.m. Foton vs Petron (battle for third)
6 p.m. Cignal vs F2 Logistics (Game 1, best-of-3 Finals)

MATAPOS gulatin ang defending champion Petron Blaze Spikers sa semifinals, pipilitin naman ng Cignal HD Spikers na makuha ang korona sa pagsagupa nila sa F2 Logistics Cargo Movers sa Game 1 ng 2019 Philippine SuperLiga (PSL) All-Filipino Conference best-of-three finals series ngayong Sabado sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Magsisimula ang aksyon dakong alas-6 ng gabi, kung saan asam ng HD Spikers na makapagtala ng Cinderella finish matapos ang dramatikong pagwawagi sa semis.

Bago ito ay magsasalpukan muna ang Blaze Spikers at Foton Tornadoes sa kanilang battle for third match ganap na alas-4 ng hapon.

Matapos na lumapag bilang fifth seed sa hawak na 7-7 kartada, pinatalsik ng Cignal ang fourth seed Generika-Ayala Lifesavers sa quarterfinals para umusad sa semifinals kontra two-time champion Petron, na tangan ang twice-to-beat advantage matapos magtala ng 13-1 kartada sa preliminaries.

Bumida para sa HD Spikers sa unang semis game ang mga beteranong sina Rachel Anne Daquis at Jovelyn Gonzaga kung saan nagtala ang HD Spikers ng 25-20, 10-25, 16-25, 27-25, 15-11 pagwawagi para ihatid ang serye sa isang do-or-die game.

Muling pinangunahan nina Daquis at Gonzaga, nauwi ng Cignal ang 30-28, 25-21, 17-25, 23-25, 15-8 panalo sa kanilang sudden-death semis game para makumpleto ang nakakagulat na upset noong Huwebes ng gabi sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Ito rin ang unang pagkakataon na makakapasok ang HD Spikers sa All-Filipino finals matapos lumahok sa liga noong 2013.

Hindi naman magiging madali ang landas na tatahakin ng Cignal para mauwi ang kampeonato dahil ang makakasagupa nila ay ang dating kampeon na F2 Logistics na lalo pang lumakas nang makuha ang serbisyo ng dating Arizona University star na si Kalei Mau.

Matapos na malagay bilang second seed sa quarterfinals sa hawak na 12-2 kartada, nagawang dominahin ng Cargo Movers ang Sta. Lucia Lady Realtors bago dinurog ang Tornadoes sa semifinals.

At ngayong nakabalik ang koponan sa finals, nangako si Cargo Movers head coach Ramil de Jesus na gagawin nila ang lahat para wakasan ang kanilang tatlong taon na tagtuyot sa titulo.

Read more...