Kris pinakaba ang publiko sa sakit ni PNoy, trangkaso lang

KRIS AT NOYNOY AQUINO

Kapag nakahawak na talaga ng mikropono si Kris Aquino, asahan mo nang kung anu-anong rebelasyon ang bibitiwan niya, makagaganda man ang kanyang sinasabi o hindi tungkol sa taong pinatutungkulan niya.

Parang baril ang tingin ni Kris sa mikropono, isang armas na napakamakapangyarihan, ang problema nga lang kung minsan ay baril lang siya nang baril nang walang direksiyon.

Tulad nu’ng sabihin niyang maysakit ang kanyang kuyang dating pangulo, marami siyang pinanerbiyos, sukat ba naman niyang ikuwento na “He is sick. He is not okay, I’m not at liberty to say what’s wrong with him.”

Natural, nang-imbita ang kanyang litanya ng kaliwa’t kanang opinyon ng buong bayan. Sukat ba naman niyang sabihin na wala siyang karapatang sabihin kung ano ang sakit ni P-Noy!

Ang una siyempreng maiisip ng mga kababayan natin ay malubha ang sakit ng kanyang kuya, lalo na’t humihingi pa siya ng mga dasal, naging paksa tuloy ang dating pangulo nang dahil sa mga sinabi ni Kris.

Pero pagkatapos nga lang ng dalawang oras ay heto na ang opisyal na pahayag ng dating pangulo na wala itong nakaaalarmang sakit. Dahil lang daw siguro sa pagpapabagu-bago ng panahon ang kanyang kundisyon kaya wala ito sa pag-alala sa ika-36 na anibersaryo ng pagpaslang sa kanyang ama.
Hay, naku! Ito talagang si Krissy, umo-OA din basta may time!

Read more...