Janno: Pwede pa rin akong mag-Pedro Penduko, parang si Wolverine at Logan

JANNO GIBBS

GAME na game pa ring gumanap na Pedro Penduko si Janno Gibbs.

Sa katunayan, nag-present daw sila ni Direk Erik Matti ng bagong concept para sa remake ng nasabing action-fantasy-adventure movie sa mga bossing ng Viva Films.

Sa nakaraang presscon ng latest sex-comedy offering ng Viva, ang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo” na pagbibidahan ng barkadahan nina Janno, Andrew E at Dennis Padilla, sinabi ng singer-comedian na pwede pa rin siyang bumida sa “Pedro Penduko” kahit balitang gagawin na ito ni Matteo Guidicelli.

Si Janno ang gumanap sa remake ng iconic movie na “Pedro Penduko” noong 1994 at 2000, “Okay naman sa akin. I think nag-e-evolve pa siya. I think nag-back out na si James Reid because of injury so iba na yata ang gagawa.”

Posible ba siyang makasama sa nasabing project, “I’m not sure. Hindi ko alam kung magka-cameo ako sa bagong Pedro Penduko. Okay lang, of course. Iba na ang generation ngayon. They deserve their own Pedro Penduko.”

Habang ini-interview si Janno, bigla namang sumingit si Dennis na nasa tabi lang niya, “I suggest, gawin nilang ‘Anak ni Pedro Penduko,’ di ba? So Pedro Penduko, Jr. na siya.”

Agree naman dito si Janno, “Kasi honestly, pwede pa rin naman akong gumawa ‘nun after may gumawa na bata ng Pedro Penduko. Actually, pwede pa akong gumawa ng sarili ko. Parang ‘yung si Wolverine, si Logan, di ba? Bumalik siya ulit na matanda na siya. I can still do that.”

Dito na inamin ni Janno ang pakikipag-meeting nila kay Boss Vic del Rosario, “Nag-present din ako in all honesty. Ang direktor ko nu’n, si Erik Matti. Nag-present ulit kami ni Direk sa Viva kaya lang meron na silang naka-ready na ibang Pedro Penduko.”
Si James Reid ang unang napili ng Viva para sa bagong remake ng “PP” pero dahil nga sa injury nito sa likod, nag-resign siya sa proyekto at ipinalit si Matteo.

Samantala, excited na ang magkakatropang sina Janno, Dennis at Andrew E para sa reunion movie nilang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo”. Natanong ang tatlo kung paano naiiba ang experiences nila dito sa pelikula nila noong “Si Mokong, si Astig at si Gamol” (1997).

Sagot ni Janno, “Siyempre ‘yung kulit at ‘yung chemistry, hindi mo mabubura ‘yun. Nandoon pa rin.”

Hirit naman ni Dennis, “Ang sabi ni Boss Vic, ibabalik lang natin ‘yung dati niyong ginagawa. Retro, throwback, dahil di ba, kahit nga sa Facebook, makita niyo ‘yung Titos and Titas of Manila, grabe, so, sabi ni Boss Vic, ibabalik natin ‘yung old comedy na ginagawa niyo noon.

“‘Yung mga ginagawa niyo nu’ng solo-solo kayo. At saka ‘yung ginawa niyo ‘nung magkakasama kayo. That’s why, sabi niya, kailangan ang magdidirek din ng pelikula, veteran din sa comedy na ganitong klase kaya napunta kay Direk Al Tantay,” sey pa ni Dennis.

Singit naman ni Janno, “I think matagal ng walang… kasi usually ngayon, romcoms, di ba? Ang comedy, papunta na sa romcom, cute. So, I think naghahanap ang male audience ng for them naman, and this is it. Ayun ‘yung brand ng comedy namin.”

Showing na ang “Sanggano, Sanggago’t Sanggwapo” sa Sept. 4.

Read more...