HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang ina ng child star na si Sophie Corullo na wala na ang kanyang anak.
Ayon sa nagluluksang ina, ni sa paniginip ay hindi niya naisip na mamamatay si Sophie sa sakit na dengue.
Sa panayam kay Angeli Corullo, ina ng bata, severe case ng dengue ang tumama sa kanyang six years old na anak.
“Lahat ng pangarap niya para sa mga kapatid niya wala na. Nu’ng last na taping nga niya, sabi niyang ganu’n, ‘Mommy, yung kinita ko bigay mo kay ate pambayad niya yun sa school,’” umiiyak na pahayag ni Angeli sa panayam ng ABS-CBN.
Bago sumakabilang-buhay ang bagets napanood pa siya sa episode ng Maalaala Mo Kaya nito lang Aug. 17, kung saan gumanap siya bilang batang Yen Santos.
Ikinagulat din ni Yen ang nangyari kay Sophie. Agad itong nakiramay sa pamilya ng child actress.
Dahil sa nangyari sa anak, pinayuhan ni Angeli sa mga magulang na tulad niya na huwag makapante sa pag-aalaga sa kanilang pamilya, kailangan daw talaga na masiguro ang kanilang kaligtasan at proteksyon kahit saan sila naroon.
“Dapat talaga maging cautious na sila na hindi pala porke nawala na yung lagnat ng anak nila okay na. Kailangan siguruhin talaga ang kundisyon nila,” ani Angeli.
Samantala, marami naman ang na-touch sa panayam sa lola ni Sophie na si Corazon Castro. Hindi nito binibitawan ang laruan na iniwan sa kanya ng apo.
“Hiningi ko nga nu’n sa Diyos, nu’ng Saturday na yun, ako na lang ang kunin, wag si Sophie,” pahayag ni Lola Corazon na shocked pa rin sa nangyari sa bata.
Dugtong pa ng lola, “Nu’ng last dalaw niya tumatakbo pa siya sabi niya, ‘owa dito na ako uli titira sa bahay niyo.’”
Base sa latest report, may 188,567 cases of dengue na ang naitala ng Department of Health sa bansa mula January, 2019 hanggang Aug. 3.