Vice mayor pinatay sa loob ng bahay

 

NASAWI ang vice mayor ng San Andres, Quezon, matapos barilin ng di pa kilalang salarin sa loob ng kanyang bahay sa Lucena City, Martes ng gabi.

Binawian ng buhay si Vice Mayor Sergio “Popoy” Emprese habang nilulunasan sa ospital para sa tama ng bala sa ulo, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Naganap ang insidente dakong alas-8, sa bahay na nasa Santol st., Calmar Homes Subdivision, Brgy. Kanlurang Mayao.

Nakahiga ang 60-anyos na si Emprese sa sofa na nasa sala, nang pumasok ang siang lalaki’t siya’y binaril, ayon sa ulat.

Sinabi sa pulisya ng kapatid ni Emprese na si Chuchi na lumabas siya ng silid nang madinig ang putok, at nakita pa ang salarin na pinagsabihan siyang huwag lumapit.

Matapos iyo’y kaswal lang umanong naglakad palabas ng bahay ang salarin hanggang sa makatakas.

Inilarawan ang salarin bilang ilang lalaking nakasuot ng pulang t-shirt, kulay-orange na short pants, at tsinelas.

Sinabi ng mga imbestigador na pumasok ang gunman sa gate, na noo’y di naka-lock, at sa pangunahing pinto ng bahay hanggang sa matagpuan si Emprese.

Dinala pa ng mga kaanak ang vice mayor sa MMG Hospital, kung saan siya nalagutan ng hininga alas-9:54.

Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan, kinaroroonan, at motibo ng salarin, at kung may iba pang taong nasa likod ng pamamaslang.

Read more...