Sa pulong-balitaan sa Makati kahapon, iginiit ng spokesperson ng kagawaran na si Noel Reyes na ligtas ang mga karneng baboy na ibinebenta sa mga palengke Kaya walang dapat ikatakot ang publiko.
Ayon pa kay Reyes, nagpapatupad sila ngayon ng 1-7-10 protocol na gumagana kung mayroong major economic animal disease na tumatama sa bansa.
Aniya, kinatay na ang lahat ng mga baboy na nakapaloob one kilometer radius ng lugar kung saan nangamatay ang mga hayop kaya walang magaganap na outbreak.
Naka-quarantine naman ang lahat ng baboy na nakapaloob sa seven km radius at mahigpit ding nagpapatupad ng checkpoint sa loob ng 10 km radius sa mga apektadong lugar.
Idinagdag ni Reyes na hindi pa makumpirma ng DA kung African Swine Fever ang tumama sa mga babuyan sa Rizal dahil aabutin pa ng dalawang linggo o isang buwan bago matanggap ng pamahalaan ang laboratory results mula sa Europe.
Binabalangkas na rin aniya ng pamahalaan ang tulong na kanilang ibibigay sa mga apektadong hograisers.