ILANG beses siyang nasaktan, ngunit hindi siya kailanman napabagsak.
‘Yan si Gerard Butler sa papel na Secret Service Agent Mike Banning sa global box-office hits na Olympus Has Fallen (2013) at London Has Fallen (2016).
Ngayong 2019, ang tinatawag na “the President’s top guardian angel” ay haharap muli sa labanang susubok sa katatagan ng kanyang katawan at isipan.
Ngunit bago pa man makaupo sa posisyon si Banning, nagkaroon ng assassination attempt sa presidente. Nailigtas ni Banning si President Trumbull, ngunit, siya ang prime suspect sa pangyayari.
Naniniwala si FBI Agent Thompson (Jada Pinkett-Smith) na guilty si Banning dahil bukod sa presidente, siya lang ang nabuhay sa pag-atake ng mga explosive drones. Tila isang perpektong plano ang pagpatay sa lahat ng kanyang mga kasamahan. Determinadong linisin ang pangalan at alamin ang tunay na salarin, tumakas si Banning sa pagkakabilanggo.
Habang tinutugis ng Secret Service at ng FBI, hinanap ni Banning ang kanyang ama (Nick Nolte) para humingi ng tulong. Tulad sa mga nakaraan niyang laban, dapat mailayo ni Banning ang kanyang pamilya sa kapahamakan, mapanatiling buhay ang presidente, at mailigtas ang bayan sa mas matinding panganib.
Ang malaking kaibahan ngayon, kailangan niya ring ipaglaban ang sarili. Sa direksyon ni Ric Roman Waugh (Snitch, Shot Caller), ang “Angel Has Fallen” ay punumpuno ng aksiyon habang dinadala ang manonood sa “much deeper, darker journey,” ayon pa kay Butler.
Sinasabing dalawang script ang ibinasura bago napili ang kasalukuyang kuwento na kumuha ng inspirasyon sa mga pelikulang The Fugitive, The Bourne Identity, at Taken. Ani Butler sa isang panayam noong 2017, “I couldn’t even see a way to make a third (Fallen film), you know we’d joke…”
Showing na ito ngayon sa mga sinehan nationwide.