Ria, Arjo manang-mana kay Sylvia; Tumutulong nang walang kapalit

MANANG-MANA talaga ang magkapatid na Ria at Arjo Atayde sa kanilang inang si Sylvia Sanchez.

Hindi lang ang pagiging magaling na artista ang nakuha ng dalawang Kapamilya stars kay Ibyang kundi pati na rin ang pagiging matulungin ng mga ito sa mga kapuspalad.

Nakita namin ang ilang litrato ni Ria sa Facebook na naghahain ng pagkain para sa mga bata. Kuha ito ng isang netizen na humanga sa pagiging charitable ng dalaga tulad din ni Sylvia.

“Si Ria Atayde may feeding program sa school ng Justice Cecilia Munoz Palma High School. Ang galing!” ang mensahe ng netizen. Ang tinutukoy niyang eskuwelahan ay matatagpuan sa Molave Street, Payatas B sa Quezon City.

Nalaman namin na ayaw nang ipaalam ni Ria sa publiko ang ginagawa niyang pagtulong sa iba’t ibang institusyon. Hiyang-hiya nga raw ito nang kumalat ang mga litrato na kuha sa nasabing feeding program organized by Corazon Foundation at Willing Hearts.

Kung matatandaan, noong kasagsagan ng Bagyong Ondoy ay isa rin si Ria kasama ang ilang celebrity friends sa mga tumulong sa mga nasalanta pero hindi nila ipinamalita. Nalaman na lang ng publiko ang tungkol dito nang mag-post ng litrato ang mga netizens.

Ayon sa isang taong involved sa feeding program, ang nasabing project ng Corazon Foundation ay in partnership with a Singaporean foundation, ito ngang Willing Hearts.

“Kaya Corazon meaning heart in Spanish. Everyday ‘yan program about 300 to 1000 students ang pinapakain,” ayon sa source.

Nagkuwento rin ito kung paano at kailan nagsimula ang nasabing proyekto at bakit si Ria ang napili among showbiz celebrities.

“Launching ‘yun, nu’ng nandoon si Ria, August 9. Nagtayo ng kusina para lang sa project na ‘yan. The plan is to feed at least 20,000 students all over Manila and also do medical assistance to sick children.

“Ang mga Singaporean ang nag-tap kay Ria dahil nakita nila na mahilig siyang tumulong. Every birthday niya or Christmas may pinapakain siyang mga bata,” paliwanag pa ng taong kasama sa foundation.

Nag-research ang mga Singaporeans at nakitang may mga litrato ang dalaga na nagpupunta talaga sa mga child institutions. Buong Metro Manila ang sakop ng proyektong ito at humingi sila ng permiso sa mga local government unit.

“Yes, in cooperation ito ng LGUs para alam nila at may permit. Next naman sa Quiapo in cooperation din ng Muslim community called Korban.

“Na-inspire sila kay Mayor Isko Moreno during his campaign na pakakainin niya mga public school students,” aniya pa.

Kasama rin ni Ria sa feeding program si dating Quezon City Mayor Jun Simon na isa rin sa nag-prepare ng mga pagkain. Ramon Magsaysay awardee raw ang former mayor na connected din sa Willing Hearts Foundation ng Singapore.

Kung may gustong magbigay ng tulong sa Corazon Foundation ay welcome na welcome din daw dahil ito naman talaga ang purpose nila, ang ibandera ang mabalita para maging aware ang lahat tungkol sa kanilang mga project.

Kasama pala dapat ni Ria sa feeding program ang kapatid na si Arjo pero hindi na nakarating ang dahil nasa Auckland, New Zealand ito para sa DZMM Global Pinoy Idol kasama sina Ahwel Paz, Bernadette Sembrano, Yeng Constantino at Randy Santiago hatid ng TFC25.

Samantala, magiging abala na si Arjo sa shooting ng second season ng digital series na Bagman na mapapanood sa iWant produced by Dreamscape Digital and Rein Entertainment.

Read more...