NIRESBAKAN ni Vice Ganda ang mga netizens na kumukuwestiyon sa bitin na exposure ni Ate Girl na si Jackie Gonzaga sa It’s Showtime.
Nakilala nang husto si Ate Girl sa noontime show ng ABS-CBN dahil na rin kay Vice. Pero may ilang fans na na-bad trip dahil nasayang daw ang bonggang outfit ni Jackie sa unang pasabog ng bagong segment ng Showtime, ang Mr. Q and A na male version ng Miss Q and A.
Sa Miss Q and A si Jackie ang tagahawak ng fish bowl na naglalaman ng mga tanong habang ang rumored boyfriend ni Vice na si Ion Perez o Kuya Escort ang usher naman ng contestants.
Pero sa Mr. Q and A nagpalit ng trabaho sina Ion at Jackie. Kaya tweet ng supporter ni Jackie, “Sayang lang ng mga magandang outfits ni ate girl Jackie kung taga HATID SUNDO lang sya ng candidates (sad emoji).”
Bukod dito, may nagkomento rin na hindi fair ang exposure nina Jackie at Ion at mukhang mas pinapaboran na raw ngayon si Ion dahil kay Vice.
Sagot naman sa kanila ni Vice, “Yan ang hirap sa inyo! Binigyan na nga ng exposure ung idolo nyo di pa kayo makuntento! Aba baka sa susunod iutos nyo ng sya ang gawing main host! Abusado!!!”
Aniya pa, may mga pekeng fans na puro kanegahan ang ipino-post sa social media, “Sa mga fans (?) ko na nagpapalaganap ng negativity sa twitter utang na loob wag nyong gamitin ang larawan ko sa profile pic o header nyo!!! Wala akong fans na nega! My LITTLE PONIES are fun and kind!!!”