KUNG ang laki ng binayaran ng Philippine Health Corp. sa mga ospital ang pagbabatayan, mayroon umanong pneumonia outbreak sa bansa.
Ayon kay AnaKalusugan Rep. Mike Defensor, gumastos ang PhilHealth ng P52.5 bilyon sa nakaraang tatlong taon para bayaran ang gastusin ng mga miyembrong pasyente na nagka-pneumonia.
Sinabi ni Defensor na 3.5 milyong pasyente ang tinulungan ng PhilHealth sa pagpapaospital dahil sa sakit na pneumonia.
Noong 2018 ay 666,000 ang pasyente na humingi ng tulong sa PhilHealth dahil sa sakit na pneumonia.
“Mas malala pala ang pneumonia sa dengue outbreak dahil noong 2018, 700,000 ang kanilang (PhilHealth) natulungan financially,” ani Defensor.
Dahil sa laki ng bilang ay posible umano na hindi totoo na pneumonia ang lahat ng binayaran ng PhilHealth sa mga ospital.
Bawat miyembro ng PhilHealth na may pneumonia ay nakatatanggap ng P15,000 tulong pinansyal na ibinabayad nito sa ospital.
Sinabi ni Defensor na kung walang itinatago ay dapat hayaan ng PhilHealth ang Commission on Audit na buksan ang mga files nito kaugnay ng rekord ng mga pasyente. Sa ganitong paraan ay malalaman umano kung totoo ang claim ng mga ospital na binabayaran ng PhilHealth.