REKLAMO ni JA sa Bantay OCW, kasal sila ng mister na seaman at may isang anak. Ngunit nang bumaba ito ng barko noong Hunyo 29, 2013, hindi na ito umuwi sa kanila.
Nabalitaan niyang kumabilang-bahay ito, meaning, sa ibang babae umuwi. At may anak na pala ito sa naturang babae.
Iyon din ang dahilan kung bakit nakikipaghiwalay na ang seaman sa kanyang misis.
Gayong nasasaktan sa mga pangyayari, iniisip na lamang niya ang anak na maiiwan sa kaniya. Kasabay nito ang pag-aalala na baka hindi na siya padalhan ng allotment ng asawa kung kaya’t kung pupuwede, nais niyang huwag na lamang itong makasakay ng barko.
Ngunit ayon kay Atty. Elvin Villanueva, author ng librong “Gabay sa Karapatan ng mga OFW”, may kalayaan naman ang bawat seaman kung kanino niya ipadadala ang kaniyang allotment.
At hindi rin naman awtomatikong dapat ay sa asawa ipinadadala ang 80 porsyento ng kanilang allotment.
Ibang isyu rin naman ang obligasyon nito sa pamilya. Responsibilidad ng ama ng tahanan ang kaniyang menor de edad na mga anak na pag-aralin at suportahan. Ngunit kung wala na rin namang kakayahan ang asawang mag-trabaho tulad nang pagiging baldado nito, maysakit na at hindi na makatayo, obligasyon ng asawang suportahan ang ganoong kalagayan ni misis.
Sa ganitong sitwas-yon, pinapayuhan si JA na magsampa ng kasong non-support kung hindi na nga tutugon sa kaniyang obligasyon si mister.
Sa kahilingan nitong huwag nang payagang makalabas pa ng bansa si mister, tanging court order lamang ang siyang makapipigil sa asawang hindi na makaalis pa.
Mahigit 500 Pinoy ang hindi pinauuwi kahit tapos na ang kontrata.
Nagpadala ng mensahe sa Facebook si Manilyn Galla ng Limay, Bataan. Ayon sa kaniya, dalawang buwan nang tapos ang kontrata ng kaniyang mister sa Jubail, Kingdom of Saudi Arabia, ngunit ayaw pa rin silang payagan ng employer na makauwi.
Mahigit 500 Pilipino silang istambay sa Jubail main camp. Nagreklamo na sila sa Labor laban sa MMG na siyang kumpanya nila doon, ngunit ayon kay misis, hindi ‘anya kumilos ang mga ito kayat parami na lamang sila ng parami doon.
Ipinagbigay-alam ng Bantay OCW ang reklamong ito ni Manilyn sa ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa embahada ng Pilipinas sa Saudi.
Narinig ba ninyo ang State of the Nation Address ni Pangulong Aquino kamakalawa? Nalungkot ba kayo kung bakit wala yata siyang nabanggit man lang tungkol sa ating mga OFW at kanilang pamilya? Ano sa palagay mo ang dahilan? Text na! Ilagay ang pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 11ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.