SA kanyang murang edad, marami nang pagsubok sa buhay na-experience ng Kapamilya youngstar na si Andrea Brillantes.
Inamin ni Andrea na ilang beses na siyang nag-breakdown dahil sa mga challenges na hinarap niya nitong mga nakaraang taon.
In fairness, 16 years old pa lang ang tween star ng ABS-CBN pero parang adult na siyang magsalita kaya kapani-paniwala ang sinasabi niya na talagang marami na rin siyang pinagdaanan sa buhay.
Sa presscon ng bago niyang pelikula, ang suspense-horror na “The Ghosting” mula sa Reality Entertainment, natanong si Andrea kung ano ang masasabi niya sa dami ng blessings na dumarating sa buhay niya ngayon.
Dito na nga niya inilahad sa harap ng entertainment press na dumaan din siya sa depresyon.
“To be honest, sinabi ko talaga kay Lord, ‘Lord, thank you, pero natatakot ako kasi ang dami Mong ibinibigay. Mamamatay na yata ako.’ ‘Yun ang sabi ko sa kanya, kasi parang it’s too good to be true.
“Pero parang ilang years ago, lahat ng meron ako ngayon, ipinagdasal ko talaga at pinaghirapan ko talaga na makarating ako dito ngayon.
“Alam ng family ko kung gaano ako naghirap. Madami akong breakdowns, meron sa CR, sa CR ng ABS-CBN. Ang dami ko talagang pinagdaanan.
“Kaya ngayon, bawat blessing, tsine-cherish ko talaga at sobra akong nagpapasalamat kay Lord na meron ako nito ngayon,” litanya ng bagets.
Dagdag pa niya, “Lagi kong sinasabi na hindi ko ito pababayaan at mas lalo ko pang gagalingan, kaya nagpapasalamat po ako sa lahat ng nagmamahal sa akin at sa lahat ng sumusuporta sa akin.”
Swak na swak naman ang title ng horror movie nina Andrea at Khalil Ramos na “The Ghosting” dahil in na in ang salitang ito ngayon dahil sa kontrobersyal na break up nina Bea Alonzo at Gerald Anderson kung saan nadamay pa si Julia Barretto bilang diumano’y rason ng kanilang hiwalayan.
Pero sa movie, talagang ghost at mga evil spirits ang makaka-encounter nina Khalil at Andrea. Kinunan ang halos kabuuan ng pelikula sa isang pinaniniwalaang haunted house.
May naranasan bang kakaiba si Andrea habang sinu-shoot ang “The Ghosting”?
“Kahit na gala ako sa set, kasi talagang lumang bahay po ‘yung pinagsyutingan namin, wala e.
“Parang nag-abang ako, wala talaga. Na-disappoint nga ako, e. Kapag nasa set po kami, ang sinasabi ng staff, ‘Uy, kapag may naramdaman kayo, huwag kayong magsasabi, ha? Matatakot ako,’” lahad ng bagets.
Wala pang personal encounter ang dalagita sa mga multo pero marami siyang naririnig na kuwento mula sa mga kakilala niya, kabilang na nga ang mga umano’y ligaw na kaluluwa sa building ng ABS-CBN.
“Sabi nila marami raw du’n, may batang babae na nakaputi na sumasakay ng elevator. Pero puro tsismis lang po.
“Noong nasa Goin’ Bulilit ako, kasi puro po bata ang kasama ko doon, so ang gagawin namin kapag gabi na, iikot kami sa ABS, sa mga walang ilaw sa hallway. Wala naman kaming na-experience, nalungkot kami,” natatawang kuwento pa ni Andrea.
Naniniwala rin si Khalil sa mga ghost dahil personal niyang naranasan ang ma-ghosting. But that’s another story to tell. Ibabahagi namin ‘yan sa inyo sa next issue kaya sa lahat ng fans ng singer-actor ‘yan ang abangan n’yo.
Samantala, iikot ang kuwento ng “The Ghosting” sa isang urban legend kung saan isang batang babae na may hawak na manyikang putol ang ulo ang nagpapakita sa mga taong nakakasalubong niya.
Hihingi ito ng tulong sa kanyang mabibiktima na ihatid siya sa kanilang bahay at kapag sinamahan mo siya, isang kahindik-hindik na pangyayari ang susunod na magaganap.
Ayon kina Khalil at Andrea, matindi rin ang dinanas nilang hirap sa pelikula, halos maubusan na raw sila ng boses at hininga habang sinu-shoot ang kanilang mga eksena.
Ang “The Ghosting”at directorial debut ni Joey de Guzman at showing na nationwide sa Aug. 28.