F2 Logistics Cargo Movers asinta ang PSL semis spot

Mga Laro Sabado (Agosto 17)
(Ynares Sports Arena)
4 p.m. Generika-Ayala vs Cignal
6 p.m. F2 Logistics vs Sta. Lucia

MAKASUNGKIT ng puwesto sa semifinals ang hangad ng F2 Logistics Cargo Movers sa pagsagupa nila sa Sta. Lucia Lady Realtors sa pagpapatuloy ng 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference quarterfinals ngayong Sabado sa Ynares Sports Arena, Pasig City.

Ganap na alas-6 ng gabi ang laro ng Lady Realtors at Cargo Movers na asam makasalo ang Petron Blaze Spikers at Foton Tornadoes sa Final Four.

Ang iba pang koponan na naghahabol ng puwesto sa semis ay ang Generika-Ayala Lifesavers at Cignal HD Spikers na magsasalpukan dakong alas-4 ng hapon.

Nahablot ng Petron ang unang silya sa semifinals matapos walisin ang Marinerang Pilipina Lady Skippers sa straight sets, 25-18, 25-13, 25-11, habang sinundan sila ng Foton na pinatalsik ang PLDT Home Fibr Power Hitters, 16-25, 25-17, 25-17, 25-12, noong Huwebes.

Sinabi naman ni Cargo Movers head coach Ramil de Jesus na hindi sila magkukumpiyansa kontra Lady Realtors.

“The most dangerous opponents are those with nothing-to-lose and everything-to-gain mentality,” sabi ni De Jesus. “Definitely, we won’t take them lightly. We know that anyone in this competition is capable of achieving something big.”

Patuloy din na sasandigan ni De Jesus sina Filipino-American spiker Kalei Mau, Aby Maraño, Majoy Baron at Kim Fajardo.

Ang Lady Realtors ay pamumunuan naman nina MJ Philips, Jho Maraguinot, Rebecca Rivera, Pam Lastimosa, Amanda Villanueva at Amy Ahomiro.

Kung mananaig ang Cargo Movers, madedehado sila kontra Tornadoes na hahawakan ang twice-to-beat incentive sa semis. Hawak naman ng Petron ang bentahe sa susunod na round sa magwawagi sa pagitan ng Cignal at Generika-Ayala.

Read more...