Kaugnay nito, iginiit ni Bataan Rep. Geraldine Roman na hindi umano dapat maging problema sa mga transgender ang pagpasok sa banyo ng babae.
Ayon kay Roman, isang transwoman, nakalulungkot ang nangyaring diskriminasyon kay Gretchen Diez na ipinahiya at pinosasan dahil sa pagnanais na umihi sa female bathroom sa Farmer’s Plaza sa Cubao, Quezon City
Sinabi ni Roman na sa Kamara de Representantes ay pumapasok siya sa banyo na pambabae.
Umaasa rin sina Roman at Gabriela Rep. Arlene Brosas na maisasabatas na ang Sexual Orientation and Gender
Identity and Expression bill upang maging pantay ang karapatan ng bawat tao anuman ang kasarian nito.
Noong nakaraang Kongreso ay inaprubahan ng Kamara de Representantes ang SOGIE bill sa ikatlong pagbasa subalit hindi ito naipasa ng Senado.
Nang tanungin kung paano ang mga babae na hindi komportable sa mga transgender sa loob ng banyo, sagot ni Roman: “Pumasok na lang sila sa cubicle to do their thing. Huwag nila kausapin (‘yung trans-woman)”.
Wala namang makitang rason si Roman kung bakit nao-offend ang mga babae na makasama ang mga transgender sa loob ng banyo.
“There’s no valid reason (to be offended), if you have the problem, magtiis ka! Yun lang pero huwag mo ipagkait sa tao yung karapatan niyang pumunta sa banyo,” aniya.
Hirit naman ni Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera: “My goodness! Gretchen Custodio Diez, a transgender woman, just simply queued to use the women’s restroom. Napahiya na siya, kinaladkad pa siya, pinosasan pa, at siya pa itong inireklamo sa presinto. Gretchen was discriminated based on her gender identity. Her basic human rights were clearly violated.”
Sinabi ni Herrera na dapat ay nakapagbalangkas na ang pamunuan ng mga pampublikong lugar gaya ng mall, parke at eskuwelahan ng implementing rules at nakapaglagay na ng mga pasilidad alinsunod sa Anti-Bastos law.