WALA nga bang katapusan ang tinatawag na American Dream? Kailan ba magigising ang isang patuloy na nananaginip nito?
Nakausap ng Bantay OCW ang isa nating kababayan na 10 taon nang namamalagi sa Amerika. May edad na ang ating Pinay worker pero napakasipag nito.
Dalawa o tatlong bahay pa nga ang pinaglilingkuran niya sa loob ng isang araw. Bionic woman ang tawag sa kanya ng mga kaibigan niya.
Ang malungkot, sa sobrang kasipagan ni kabayan, wala yata sa bokabularyo niya ang mga araw ng Sabado at Linggo, Hindi siya nagde-day off. Basta trabaho lang siya nang trabaho.
Hindi naman umano siya nakadarama ng pagkapagod.
At dahil sa trabaho lang siya nang trabaho, pati ang kanyang espirituwal na mga pangangailangan, pinabayaan na rin niya.
Sabi ng isang nakakakilala sa kanya, palaging reklamo nito na kulang ang kanyang kinikita para sa ipinadadala sa pamilya sa Pilipinas. Ipinagtataka lang nila, 10 taon na ang nakararaan, ganoon pa rin ang reklamo niya. Kulang pa rin.
Gayong pinipilit na rin siyang pauwiin ng kaniyang pamilya, ngunit wala na yatang balak umuwi pa ito. Tulad ng marami nating mga kabayan, pinipili na nilang manatili sa ibayong dagat kung saan nasanay na silang mamuhay.
Ang mga kasabayan niya, gayong puwede namang manatili pa sa Amerika, piniling umuwi na sa Pilipinas for good at nais umano nilang gugulin ang nalalabing mga panahon pa nila kapiling ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sana matauhan na si kabayan at tuluyan nang magising upang masabing nagkaroon na rin ng katuparan ang kaniyang pinaka aasam-asam na American Dream.
Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com