INAPRUBAHAN na ng House committee on ways and means ang panukalang batas na magtataas ng buwis ng alak.
Sa botong 43-0, inaprubahan ng komite ang pagpasa sa panukala sa unang araw ng pagdinig dito alinsunod sa House rule 10 Section 48 na nagsasabi na maaaring aprubahan sa isang araw na pagdinig ang mga panukala na naipasa na sa ikatlong pagbasa sa nakaraang Kongreso.
Ipadadala ang committee report sa plenaryo para sa ikalawa at ikatlong pagbasa.
Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, chairman ng komite, na inaasahang kikita ng P32.94 bilyon sa unang taon ng pagpapatupad ng panukala. Makatutulong umano ito upang pondohan ang Universal Health Care law.
Ayon sa Department of Finance ang kita sa fermented liquor gaya ng beer ay inaasahang aabot sa P24.7 bilyon, sa distilled spirits ay P9.2 bilyon at sa iba pang inuming nakalalasing ay P40 milyon.
Itataas ng P6.60 ang buwis na ipinapataw sa distilled spirits na sa kasalukuyan ay P22.40 specific tax at 20 porsyentong ad valorem tax na itataas sa 22 porsyento sa 2020.
Ang buwis sa sparkling wine ay gagawing unitary na P650 at 15 porsyentong ad valorem tax.
Exempted naman sa excise tax ang mga cooking wine kung ang salt content nito ay wala pang 1.5 gramo kada 100 milliliter.
Ang buwis sa still and carbonated wines na walang 14% ang alcohol content ay tataasan ng P2.10 (P37.90 ay magiging P40) at ang mas mataas ang alcohol content ay 4.10.
Ang buwis sa fermented liquors na P28 ay itataas ng P2.60. Itataas ito ng 7 porsyento kada taon.