MAGKAKAROON ng bagong teleserye ang komedyanang si KitKat sa ABS-CBN pero ayaw muna niya itong ibandera hangga’t hindi pa nagsisimula ang taping.
Baka raw kasi maudlot pa kaya hindi muna siya magdedetalye, “Minsan nga umikot na ang mga camera pero hindi pa natutuloy. Though hindi ko pa naman naranasan ‘yun, ang nangyari nawala ako sa isang project pero inililipat naman ako sa kabila.”
Ang teleseryeng Sana Dalawa ang Puso (2018) ang huling serye niya kasama sina Robin Padilla, Richard Yap at Jodi Sta. Maria.
Naging abala kasi si Kitkat sa musical show na “DOM” na mas binigyan niya ng oras, tapos may mga guesting pa siya tulad ng Ipaglaban Mo.
“Masarap ang feeling na nabibigyan ako ng guestings na drama (kasi nga komedyana ako),” say pa niya.
Isa pang ikinatutuwa ni KitKat ay ang pag-ere sa Jeepney TV ng seryeng Two Wives (ipinalabas noong 2014) kung saan nakasama niya sina Jason Abalos, Kaye Abad at Erich Gonzales. Ginampanan niya ang karakter na Mimi at seryoso raw siya sa serye.
“Nakakatuwa kasi kapag sinasabing napanood kita sa Two Wives parang may exposure ka pa rin kahit ang tagal-tagal nang tapos, napapanood pa rin,” masayang kuwento pa ni Kitkat.
Mukhang bata pa si KitKat kaya binibiro raw siya lagi ni Matt Evans na nakasama niya noon sa Pedro Penduko (2006) bilang side kick.
“Ate Kit, lahat kami nagsitanda na, ikaw mukha ka pa ring bata,” masayang kuwento ni Kat sa amin.
Sa edad na 32 ay wala pa ring anak ang komedyana, “Hindi ko pa priority ang anak tutal naman may apo na kami. ‘Yung anak niya (asawa ni Kitkat) may anak na, so yun apo na namin. Walong taon na kaming kasal.
“24 pa lang ako nagpakasal na kami. Saka di ba, bata pa lang ako, ipinangako ko na siya ang mapapangasawa ko. Kapitbahay ko siya noong bata pa ako at crush na crush ko siya, sabi ko, ‘paglaki ko, aasawahin kita!’ Ang galing ‘no, nagkatotoo.
“Sobrang supportive niya kasi nag-resign siya sa work para matutukan ako kasi may anxiety ako. Kapag may work at wala akong mapa-parkingan, siya na ‘yung nagda-drive. Tapos inaasikaso pa ang business namin, yung I Bag.net Restaurant sa Metrowalk,” kuwento pa niya.
Samantala, nagdurugo ang puso ngayon ng aktres dahil sumakabilang-buhay pala ang pinakamamahal niyang nanay lola.
Post ni KitKat sa Instagram, “Ganito pala ang feeling ng mamatayan ng mahal na mahal sa buhay! Dati palagi ko iniisip di ako ready talaga pag nawala ang lola nanay ko papunta palang ako sa ospital akala ko maaabutan kita, ngayon sa morgue mo na ako hinihintay.
“Mahal na mahal kita nanay di ko alam kung kakayanin ko pag nakita na kita. Isang oras pa byahe ko, sana hindi pa din totoo.”
Ang aming pakikiramay sa pamilya ni KitKat mula sa pahayagang BANDERA.
Nakausap namin si Kitkat sa nakaraang presscon ng Beauederm kung saan ni-launch ang kanilang mga Star Magic endorsers kabilang na ang komedyana.
“Slender Sips Slimming Coffee lang ini-endorse ko, pero ‘yung ibang produkto nila pino-promote ko pa rin,” pahayag ni KitKat.
Dagdag pa niya, “Pero doon sa ibang produktong may conflict, marami rin kasi akong endorsements, siyempre hindi ko na pinupuntahan.”
Matagal na naming kilala ang komedyana at isa siya sa nakitaan namin ng loyalty sa mga kaibigan at produktong ineendorso dahil hindi niya iniwan kahit ilang taon na ang nakalilipas.
Hindi kasama si KitKat bilang endorser ng beauty products ng Beautederm dahil kabilang siya sa Belo Babies ni Dra. Vicki Belo.
“‘Yun ang sinasabi ko, kapag meron akong ini-endorse which is sabi nila lucky charm ako, kahit maliit pa ‘yan na produkto nagbo-boom kaya ang hiling ko lagi sa may-ari, ‘Kapag nag-boom naman at kaya n’yo nang magbayad ng malaking artista o may nakuha kayong malaking artista, huwag n’yo naman akong kalimutan, ‘yun lang ang hiling ko kasi maski paano nakatulong din naman ako.”
Papuri naman niya sa CEO at owner ng Beautederm na si Rei Tan, “Naku, very generous ‘yan, at saka ‘yung akala mong (nalimutan na) kasi multi-tasking ‘yan lahat kaya niyang gawin. Kapag may ikinuwento ka sa kanya akala mo hindi siya nakikinig, pero alam niya lahat.”