HINDi ko maintindihan kung bakit hindi makuha-kuha ng mga alkalde ng bansa ang formula sa pagsususpinde ng klase at trabaho tuwing may napakalakas na ulan pero wala naming bagyo.
Hindi naman sa bulag sila, dahil mayroon naman ang PAGASA ng kapabilidad na i-anunsiyo ang kanilang mga rainfall level alerts, at alam naman na rin natin, dahil ulit sa PAGASA kung may masamang panahon o bagyo.
Noong nakaraang lingo ay nagkagulo ulit sa Metro Manila dahil late na ang desisyon ng mga Mayor sa Metro Manila at mga karatig pook na kanselahin ang klase ng mga bata.
Buhol, buhol na rin ang trapiko dahil sa ulan at baha kaya kawawa yung mga magulang at bata na humahabol sa eskwela at pagkatapos ay sa trabaho.
Ang nakakainis pa, kung kailan nasa eskwela na ang mga bata, at nasa trabaho na ang mga magulang, ay saka gigising ang mga Mayor at magdedeklara na wala ng klase ang mga bata sa hapon.
Ang nangyayari tuloy, aalis sa trabaho ang mga magulang para sunduin ang mga anak nila, na marami naman ay sumibat na agad ng eskwela para maglakwatsa. Sa madaling sabi, ginulo ng mga Mayor ang buhay ng mga ma-gulang at bata, inilagay pa sila sa delikadong sitwasyon.
Ang payo lang sana ng Talyer, baguhin na ang tamad at knee-jerk reaction na ito. Mas mabuti siguro kung hayaan na lamang ng mga Mayor ang mga bata sa paaralan nila kung late sila nagising, at bayaan tapusin ng mga bata ang araw nila doon.
Sa ganitong paraan, patuloy na ligtas na ang mga bata na nakarating na sa paaralan, at maaari pa silang maalagaan ng mga emergency facilities na siguradong meron ang mga eskuwela. Dahil kung sipon at lagnat lang ay nandyan naman ang clinic. Tutal, ang assumption ko, ligtas na lugar ang mga eskuwelahan.
Pagkatapos nito, ang idedeklara ng mga Mayor na bagong gising, ay shortened working hours sa mga trabahador na kailangang sunduin sa dismissal time ang mga anak nila na hinatid nila sa eskwela habang rumaragasa ang ulan.
Naging productive na ang mga magulang at mga bata, nawala ang agam-agam na baka maglakwatsa ang mga bata kung pauwiin ng maaga, at baka mapano pa, hindi pa mukhang natutulog sa pansitan sila sleepy Mayors.
Ano sa tingin ninyo mga friends? Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com