IHINTO ang kahibangan. Alipin ng tao ang anumang nakasusupil sa kanya. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Dn 7:9-10, 13-14; Sal 97:1-2, 5-6, 9; 2P 1:16-19; Lc 9:28-36) sa Kapistahan ng Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon.
***
“Dangerous place“ ang pula sa Pinas para sa mga nabubuhay sa shabu. Pero, ang Pinas, sa totoo lang, ay day-care center ng mga rapists, at tahimik ang mga obispo’t pari, maging si Cardinal Tagle (walang pasaring na batikos o homilia sa kanyang lingguhang Word Exposed), sa halos araw-araw na pagsabog ng mga rape at pagpatay, Hunyo-Hulyo-Agosto. Dahil ba babanda ang mortal na kasalanan sa mga pari (sapat ang mga batas ng tao’t Diyos para litisin ang mga klerikong nagkasala)?
***
Tahimik din ang mga bilyonaryong pamilya sa Makati, Cebu at Davao hinggil sa rape sa kanilang di mapasok na paraiso (ang kinoberan kong Forbes rape case na naganap sa water bed noong 1976 ang huling insidente, ayon sa aking kuwaderno). Ang Pinas nga ang pinakaligtas na lugar sa mga rapists. Pero, ang kaluluwa ng mga pinatay ng rapists ay sumisigaw pa rin ng hustisya hanggang langit!
***
Hindi iginagawad ang hustisya sa mga biktima ng rape sa Pinas. Pinabagal ang bista at muntik pang naligwak ang kasong isinampa ni Maggie de la Riva sa apat, na ipinaglaban ni QC CFI Judge Lourdes San Diego hanggang silya elektrika. Leo Echegaray? Mahirap lang siya kaya nabitay. Sa bawat pinatay ng rapist, namatay na rin sa pighati ang ina, asawa, mga anak at kaibigan dahil sa kawalan ng hustisya.
***
Tahimik nga ang simbahang Katolika sa mga kasong rape. Mas lalo siyang tahimik sa bilyon-pisong sex tourism sa mamahaling mga otel at Internet, na mismong mga batang babae ang ibinebenta 24/7 ng kanilang mga magulang/pamilya. Sa korap na industriya, tikom sina father at bishop, maliban sa iisang pari na sumisigaw sa ilang. Ang gumagawa ng kahalayan ay nagkakasala sa sarili niyang katawan. 1 Cor 6:18.
***
Salamat at nakilala ko noon ang mga pulis na sina Fred, Bobby, Lakay, Rey, Romy, Ganda(Wali). Napapawi ang luha’t pighati ng mga naulila ng pinatay ng rapists. Nagkikiskisan ang aming mga ngipin sa pahayag/depensa/pagkakaila ng mga suspek. Ang matapang na mamamahayag na si Mon ay durang may plema na lang ang naibubuga sa nakakulong na hayok. A wise man has nothing to do with lust. Lust is nothing but death… Acarangasutra 2.61. Jainism.
***
Hindi nakapagtataka kung bakit masidhi ang pagkontra ng 10 kongresista at anim na senador sa bitay sa rapists. Alipin din ba sila ng laman? Gayun din ba ang kanilang mga anak, kamag-anak at mga kaibigan? Bakit nga naman parurusahan ng kamatayan ang kanilang demonyo’t makamundong pagnanasa sa lupa, gayung sa impiyerno rin naman ang kanilang tuloy?
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Bagong Silang, San Miguel, Bulacan): Matanda na, mayabang pa? Ang puna ng millenials, bagaman di tama, pero may laman. Di tama dahil nanghusga (kasalanan). May laman dahil di kinakatigan ng anumang relihiyon ang pagyayabang, ang pagmamataas. Ang pagpapakumbaba ay pagsuko ng maraming nakagawian. Ano pa ba ang ipagyayabang gayung mayaman na sa karanasan ang matatanda?
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Santa Rita Bata, San Miguel, Bulacan): Sa kisapmata‘y lumilipas ang panahon. Di na maibabalik ang winaldas na oras. Patuloy pa bang palalagpasin ang pagkakataon? Di na ba makalalaya sa pagiging alipin ng gadget, ang laruang ang sinisira ay ang naglalaro? O talaga bang laro na lang ang buhay at wala nang pagpapahalaga sa bukas na walang katiyakang darating?
***
PANALANGIN: Kasuklaman ninyo ang masama at kumapit sa mabuti. Roma 12:9
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Inday o Pulong? Itong mga sepsep, talagang sepsep. Pero kami, Inday. Kabisado, subok at abogado sa 2022. …8650, 15-B, Davao City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.