Matagal nang gustong gumawa ni Dennis Trillo ng pelikula tulad ng “Mina-Anud” na isang true to life story mula sa Regal Films, Epic Media at Hooq Philippines.
Sa direksyon ni Kerwin Go, tungkol ito sa paglutang ng napakaraming bag ng cocaine sa karagatan ng Samar na inakala ng mga residente sa isang barangay roon na sabong panlaba.
“Hindi ko malilimutan ang experience ko rito sa ‘Mina-Anud’ ay mapagbubuti mo ang isang trabaho kapag nag-eenjoy ka 100%. Isa ito sa hinihintay kong proyekto kasi unang-una matapang pero kahit na sobrang bigat ng tema, light ang pag-atake ni Direk Kerwin. Kaya sabi ko, hindi ko puwedeng palampasin ang project na ito.
“Sobrang na-excite ako nang malaman ko ang konsepto, gusto ko na ngang magsimula agad ang shooting.
Hindi ako na-bother na tungkol ito sa droga, mas inisip ko ‘yung aral na matutunan kapag napanood nila ang pelikula,” sabi ng Kapuso Drama King.
Showing na ang “Mina-Anud” sa Aug. 21 nationwide. Ito rin ang napiling closing film sa Cinemalaya Film Festival 2019 sa Aug. 10. Base sa mga sinabi ni Dennis about the film, mukhang matutuwa naman si Pangulong Rodrigo Duterte at ang PDEA kapag napanood nila ang pelikula.
Kasama rin sa pelikula sina Matteo Guidicelli, Marc Felix, Mara Lopez, Dionne Monsanto, Elia Ilano, Anthony Falcon at Lou Veloso.
Samantala, sa nakaraang presscon ng “Mina-Anud” natanong si Dennis kung malapit na ba silang magpakasal, “Iba kasi akong tao, eh. Mga ganu’ng bagay, hindi ko talaga bino-broadcast. Malalaman n’yo rin kapag nandiyan na. Nag-iipon ako sa maraming bagay lalo na sa future namin.”