TATLONG sikat na Hollywood stars ang nakatakdang bumisita sa Pilipinas very soon.
Bibida ang mga ito sa isang proyekto na iko-co-produce ng Wild Sound Film Production na pag-aari ni Chris Santiago. Anak siya ng batikang direktor na si Cirio Santiago at kapamilya rin nina Randy at Rowell Santiago.
Nakachikahan namin ang businessman-producer kahapon at dito nga niya naikuwento na mas magiging active ang Wild Sound ngayon sa pagpo-produce ng pelikula at TV series, partikular na para sa Netflix.
Kabilang nga sa mga proyekto nila this year ay ang pelikulang pagbibidahan ng tatlong kilalang Hollywood stars na kukunan mismo dito sa bansa. Ayaw muna niyang pangalanan ang mga ito dahil may bonggang announcement silang gagawin for the project.
Bukod dito, nasa pre-production na rin ang latest offering nilang “Escape” with Michael McDermott Sr., Marc Roces and Scott Rosenfelt as co-producer. Bibida rito sina Rhian Ramos, Derek Ramsay at Alexander Diaz sa direksyon ni Pedring Lopez.
Base sa official page ng movie, ang story ng “Escape” ay iikot sa isang, “Australian national, wrongly accused of being a drug dealer in Manila, is about to spend the rest of his life in jail. An Australian corporate intelligence specialist is hired to bring him home while the corrupt police colonel tracks him down.”
Ilan pa sa mga past projects ng Wild Sound ay ang mga sumusunod: “General Commander” (2019); “Showdown in Manila” (2016); “Operation Rogue” (2014); at “Angel of Destruction” (1994).
Ani Mr. Santiago, nasa dugo na talaga niya ang showbiz dahil na rin sa kanyang ama at nais lang daw niyang ipagpatuloy ang legacy nito sa paggawa ng pelikula. Gusto rin siyempre niyang makatulong sa mga taga-industriya, lalo na sa mga production people na walang trabaho kung walang pelikula.
q q q
Incidentally, napag-alaman namin na isa pala si Chris Santiago sa mga naapektuhan sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil muna ang operasyon ng STL sa buong bansa dahil sa corruption.
Nag-meeting na pala ang Association of STL Agents of Visayas-Mindanao kamakailan sa pangunguna ni Rondel Diaz, para pag-usapan kung paano nila haharapin ang isyung ito kasabay ng kanilang panawagan sa Pangulo para maibalik na ang STL.
Narito ang ilang bahagi ng kanilang mensahe kay Digong: “Kami po na bumubuo ng Assoc. of STL Agents of Visayas Mindanao ay nagpapahayag ng aming suporta sa ginawa ng ating mahal na Pangulo Rodrigo Roa Duterte upang linisin ang anumang corruption sa hanay ng PCSO, STL at iba pang laro nito.
“Ang nasabing hakbang ng ating mahal na pangulo ay lalong magpapatibay ng pagtitiwala ng mamamayan sa PCSO. At ganon din kung malinis at maisasaayos at muling maibalik ang operation ng STL ay mas lalong magiging kapaki-pakinabang ito sa ating mga mamamayan.
“Nais din po naming ipabatid sa mahal na pangulo at sa lahat ng mamamayan na kami po ang mga corporation na sumusunod sa lahat ng alituntunin at patakaran ng PCSO. Wala po kaming shortfall or kakulangan sa aming remittance sa PCSO. Kami po ay sumasailalim sa tamang proseso ng bidding at pagkuha ng aming prangkisa. Samakatuwid kami po ay in good standing status sa PCSO.
“Marami po ang mawawalan ng hanapbuhay at maaapektuhang pamilya at madami po ang maaaring magbabalik sa illegal na gawain. Sa pagkahinto ng STL ay mamamayagpag na po sa kasalukuyan ang mga illegal n laro sa buong bansa.
“Maaari din pong maapektuhan ang Revenue ng PCSO sa pagkahinto ng STL sapagkat malaki din po ang halaga na aming iniaambag dito. Samantalang ang illegal po ay wala kahit singko at walang pakinabang ang ating gobyerno.
“Kung kaya po kami ay kumakatok sa mabuting puso ng ating mahal na Pangulo na mabigyan ng pagkakataon na muling makapag operate at asahan niyo po na kaisa po ninyo kami sa inyong adbokasiya at patuloy kaming makikipagtulungan sa ating gobyerno upang makamtan natin ang isang mapayapa, maunlad, malinis na bansa at malayo sa katiwalian.”