Dahil sa ‘Kadenang Ginto’, Andrea nakabili na ng house and lot

MALAKING tulong para kay Andrea Brillantes ang teleseryeng Kadenang Ginto. Dahil sa nasabing programa ay nakabili na siya ng sariling bahay at lupa.

Mismong ang kanyang manager na si Ms. Becky Aguila ang nagkuwento nito sa amin.

Ilang taong palipat-lipat ng inuupahang bahay ang pamilya ni Andrea dahil nagkakaroon sila ng problema tulad ng malayo ito sa workplace niya o kaya binabaha ang lugar at higit sa lahat pamahal nang pamahal ang bayad sa upa.

Kaya naman nang ialok kay Andrea ang Kadenang Ginto ay talagang ipinangako nito sa sarili na titipirin niya ang kanyang kinikita para sa pangarap na bahay nilang pamilya kaya naman sobrang tuwa ng bagets dahil na-extend pa ang serye nila hanggang 2020.

Binanggit sa amin ni Tita Becky ang bubunuing budget para sa bahay nina Blythe (tunay na pangalan ni Andrea) at sobrang laki nito pero sa estado ngayon ng dalagita, na dumarami na rin ang product endorsements ay madali na niya itong mababayaran.

“Goal is three years (to pay), depende sa pasok ng blessings. Kada me ipon bigay sa developer. Malaki kasi ‘yung house,” sabi ng manager ni Andrea.

Oo nga, gusto na kasi ng dalagita na tig-isa na silang kuwarto ng mga kapatid niya at siyempre dapat may sarili ring room ang mama niya. Dati kasi ay okay na sila sa apartment at sama-sama silang magkakapatid sa isang kwarto pero ngayong malalaki na sila at marami na ring gamit ay dapat nga talagang lumipat na sila sa mas malaking bahay.

Mukhang matutupad naman ang “3 years goal” ni Andrea dahil ang dami niyang endorsements tulad ng Asvel lunch boxes at thermos para sa tulad niyang estudyante, Brilliant Skin Care para sa tulad niyang nagdadalaga, Apartment 8 clothing line na sa ilang bansa pa sa Asya ang photo shoot para sa print ad. Marami pang inquiries na ayaw pang banggitin ni tita Becky dahil under negotiation pa.

As of this writing ay pabalik na ng Pilipinas si Andrea kasama ang kapwa Gold Squad member na sina Kylie Echarri, Seth Fedelin at Francine Diaz na kabilang sa ASAP by the Bay show na ginanap sa San Francisco California, USA.

Ayon kay tita Becky, first time ni Andrea na makarating sa Amerika, pawang sa Asia lang ang nalilibot ng bagets para sa kanyang mga photo shoot tulad ng Korea, Thailand at Japan.

Read more...