Mga Laro Sabado (Agosto 3)
(Filoil Flying V Centre)
4 p.m. Marinerang Pilipinas vs PLDT Home Fibr
6 p.m. Cignal vs Generika-Ayala
Team Standings: F2 Logistics (11-0); Petron (10-1); Foton (7-5); Generika-Ayala (7-5); Cignal (6-5); PLDT (3-7); Sta. Lucia (2-12); Marinerang Pilipina (0-11)
KUMAPIT sa top four na puwesto ang hangad ng Cignal HD Spikers at Generika-Ayala Lifesavers sa kanilang krusyal na salpukan sa 2019 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference ngayong Sabado sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Gaganapin ang mahalagang bakbakan ng Cignal at Generika-Ayala ganap na alas-6 ng gabi matapos ang alas-4 ng hapon na laban ng Marinerang Pilipina Lady Spikers at PLDT Home Fibr Hitters sa prestihiyosong women’s club league na suportado ngTeam Rebel Sports, SOGO, Eurotel, PCSO, Cocolife, UCPB Gen, Mueller, Senoh, Asics, Bizooku at One Sport.
Kasalukuyang nasa ikatlong puwesto kasalo ang Foton Tornaodes sa tangang 7-5 kartada, asam ng Generika-Ayala ang panalo para mapaganda ang kanilang puwesto sa team standings papasok sa krusyal na bahagi ng double-round preliminaries ng torneong katuwang ang ESPN5 at Kapatid TV5 bilang broadcast partners.
Subalit hindi naman magiging madali ang misyon ng Lifesavers na umakyat sa ikatlong puwesto dahil hangad din ng Cignal ang krusyal na panalo para mapaganda ang kanilang puwesto papasok sa quarterfinals.
Hindi pa rin makakasama ng Lifesavers ang skipper nitong si Angeli Araneta, na nagtamo ng injury sa kaliwang tuhod.
Nawala man si Araneta, nagsanib puwersa sina Fiola Ceballos at Patty Orendain para itala ang 30 sa 51 kills ng Generika-Ayala tungo sa pagwawagi kontra Sta. Lucia Lady Realtors, 25-17, 20-25, 25-14, 25-9, noong Huwebes ng gabi.
Nakatulong din nila sina Ria Meneses, na may 11 puntos, at Mean Mendez, na may walong puntos.
Umaasa naman si Generika-Ayala head coach Sherwin Meneses na maipagpapatuloy ng kanyang mga manalalaro ang mahusay na paglalaro habang wala ang kanilang team captain.
Naitala ng Cignal ang ikatlong sunod na panalo sa pagsungkit ng 25-23, 21-25, 25-14, 25-21 pagwawagi kontra Foton noong Huwebes na bumuhay sa kanilang tsansa na masungkit ang No. 3 spot.
Patuloy naman sasandalan ni Cignal head coach Edgar Barroga sina Rachel Anne Daquis, Alohi Robins-Hardy, Mylene Paat, Jovelyn Gonzaga at Jheck Dionela para mapalawig ang kanilang winning streak sa apat na laro.