Paano na kapag may ate sa ‘labas’?

GOOD day, ateng Beth.
Masakit isipin na may kapatid po pala ako sa labas. At nalaman ko ito ngayon lang na wala na ang tatay ko. Namatay na ang tatay ko.
At sa mga friends ko lang nalaman na may ate pala ako, half sister po. Kung gugustuhin ko ay pwede ko naman siyang makita at makausap para sabihin na patay na ang tatay namin.
Sa kabilang banda, inisip ko anong sense pa para sabihin ko pa sa kanya gayon na hindi naman siya nag-effort na hanapin at kausapin ang tatay namin noong buhay pa ito.
Wala naman ding maidudulot na maganda kung sabihin ko na patay na ang tatay namin. Wala naman akong plano na magbuo ng relasyon sa kanya. Ano bang tama kong gawin?
– Kara ng Navotas

REPLY: Magandang araw din sa iyo, Kara.
E bakit nga pala ayaw mong papasukin ‘yung kapatid mo sa labas at baka maulanan? Joke lang. I was trying to lighten ‘yung ganitong mga seryosong usapin.
Masakit sigurong isipin ‘yan kasi maaaring may sama ka ng loob sa tatay mo dahil hindi mo ito nalaman at late na nang malaman mo na may iba pa pala siyang anak.
Pero come to think of it, hindi rin naman ginusto ni ate na magkaroon siya ng kapatid sa ibang nanay, hindi ba? Teka, kung siya ang ate, siya ang nauna, siya ba ang kapatid sa labas o ikaw? Anyway, wag na nating pakumplikaduhin. Sino man ang nanay na pinakasalan ni tatay, magkapatid pa rin kayo.
Hindi n’yo man kilalanin ang isa’t isa, nananatili ang katotohanang magkapatid pa rin kayo.
Tama ka, kung gusto mo pwede mo naman sabihing patay na ang tatay ninyo. Pero ‘yung sinasabi mong sense, kung ano pang sense non, hindi mo talaga malalaman. Kasi lumaki kang may tatay. Hindi mo alam ‘yung feeling na wala kang tatay, or worse di mo kilala ‘yung tatay mo. Kasi ikaw, kilala mo ‘yung tatay mo. Kayang-kaya mong magalit sa mga mali at pagkukulang niya.
Pero si ate mo, wala syang basehan, wala siyang pinanghahawakan at wala syang pagkakakilanlan sa tatay ninyo.
Yung punto mo na hindi niya hinanap, at paano ka naman nakasiguro rito? Baka hinanap niya naman pero di niya lang alam kung sino o saan hahanapin, hindi ba? At paano niya kakausapin ang tatay ninyo? Anong sasabihin niya?
Sa kabilang banda ulit, di ba dapat tatay mo ang naghanap sa kanya? Di ba dapat tatay mo ang tumayo sa responsibilidad at pananagutan niya sa ate mo? So bakit di ginawa? Kung ginawa man, bakit di nagkatagpo?

Bakit kay ate ka galit at mukhang siya pa ang sinisisi mo?
Hindi mo alam kung ano ang maidudulot na malaman ni ate na patay na ang tatay nya. Maaaring closure ‘yun sa kanya. Maaaring katapusan ng isang bagay na mahalaga sa kanya. O maaari rin namang panimula ng isang bagay na mahalaga sa kanya.
So kung wala kang balak magkaroon ng relasyon sa kanya, baka naman ganun din siya di ba.
Pero ang punto, karapatan din niya na malaman ang totoo at magandang huwag na itong ipagkait sa kanya.
We never know kapag nagkita kayo ay mas maganda ang maidulot nito.
Why not try to love some more di ba? Maaaring”pagkakamali” siya o ikaw ng mga magulang ninyo, pero baka naman mas makaganda yun sa pagkatao nyo.
Kung sabihin mo sa kanya na patay na tatay nyo, at least nakagawa ka ng kabutihan sa kapwa mo.

Read more...