SINABI ng Palasyo na dapat ikonsidera ang panawagan ng mga eksperto na alisin ang ban sa paggamit ng kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine sa harap naman ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa bansa.
“Hindi ba sabi nila na spread ng dengue grabe na naman. We need a vaccine for that. So kung walang—kailangan maghanap talaga tayo ng vaccine. Pero kung wala pa at alam naman natin iyong Dengvaxia puwede doon sa mga dati nang may dengue at wala tayong naririnig na hindi… o eh ‘di why don’t we try it. Iko-consider lang natin, we have to make a stand,” sabi ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Nauna nang nanawagan ang grupo ng mga doktor, kabilang na si dating Health secretary Esperanza Cabral na muling payagan ang paggamit ng Dengvaxia.
“Well, kung galing mismo kay Dra. Cabral, whom I know personally na talagang competent, eh siguro pakinggan natin iyong mga sinasabi ng mga doktor. What is important is we stop the spread of dengue, and we need to find a solution to that,” ayon pa kay Panelo.
Base sa datos ng DOH, umabot na sa mahigit 130,000 ang kaso ng dengue sa bansa kung saan patuloy pa itong tumataas.