Kilalang female celebrity walang kahihiyan, pinanindigan ang pagiging ‘tira-tira queen’

KUMPIRMADO! Naging saksi ang isang source sa nakagawian nang pagbabalot ng mga pagkain ng isang kilalang female personality sa kahit saang okasyon siya dumalo.

Wala siyang pakialam sa kung anumang sasabihin ng kahit sino, ang importante para sa kanya ay ang makapag-uwi siya ng mga pagkain, para hindi na niya ‘yun bilhin pa.

Kuwento ng aming source na manghang-mangha, “Grabe! Dalawang mata ko mismo ang nakakita sa babaeng ‘yun habang getlak siya nang getlak ng mga fudam! Nakakahiya siya, kilala pa naman siya ng mga nandu’n, pero wala siyang pakialam!

“Wala namang masama sa pagiging masinop, pati sa paghaharimunan, pero sana naman, e, inilalagay niya ‘yun sa tamang lugar!” unang chika ng gulat na gulat naming impormante.

May nakahandang props ang female personality sa pagkuha ng mga pagkain, meron na siyang bitbit na lalagyan, talagang handang-handa siya sa laban!

“Nakakaloka siya! Talagang para siyang Girl Scout na palaging handa! Meron siyang plastic bin na maliit, nakalagay ‘yun sa isang bag, meron din siyang ziplock para hindi nga naman kumatas ang mga pinagkukukuha niyang food!

“At ginawa niya ‘yun sa harapan mismo ng mga bisita, walang pakialam niyang pinagsama-sama ang mga tira-tira, saka niya inilagay sa mga supot na dala niya!

“Nakakaloka talaga siya! Akala kasi namin, e, kuwento-kuwento lang ang panggegetlak niya ng mga food sa kahit anong okasyong puntahan niya, pero totoo pala ‘yun? Totoong-totoo, kitang-kita namin siya, talagang buong-ningning niyang pinagkukuha ang mga food sa table para ilagay sa mga dala-dala niyang plastic na nakahanda na talaga para sa pag-uwi niya ng mga fudam!” napapailing pang kuwento ng aming source.

At heto pa. Meron pa pala siyang assistant sa kanyang ginagawang panghaharbat ng mga food, ang kanyang anak mismo, sanay na sanay na rin ang bagets sa mga pinaggagagawa ng kanyang mudra.

“Sila ang magka-loveteam sa raket! Naku, sanay na sanay na rin ang anak niya sa kakukuha ng mga food, sa totoo lang! Kayo na ang humusga kung para saan ngayon ang koronang nakahinang sa ulo niya!

“Yes! May bago siyang korona ngayon na bigay ng mga taong nakakakita sa madalas niyang gawin, isa na siyang Harbat Queen!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Kilalang-kilala n’yo kung sino siya, Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, may titulo siya!

Read more...