DIRETSONG sinabi ni Angelica Panganiban na sa lahat ng mga naging ex-boyfriend niya, si John Lloyd Cruz ang naiisip niya hanggang ngayon.
Sa truth-or-dare game kasama ang kanyang BFF at fashion stylist na si Patty Yap na nasa YouTube na ngayon, natanong si Angelica kung sino sa kanyang mga ex (Carlo Aquino, Derek Ramsay at John Lloyd) ang sumasagi pa rin sa kanyang isipan until now.
Sagot ng dalaga, “Iyong pinakahuli, si John Lloyd, kasi siya ‘yung pinakahuli. Mas fresh kasi ‘yung memories mo doon. Pero hindi na siya naaalala na, ‘Oh my god,’ gusto mong mamatay. Naalala mo lang na, ‘Ay, kumain ako dito, kasama ko nga noon si Lloydie.’”
Umabot ng tatlong taon ang relasyon nila ni Lloydie na nauwi rin sa hiwalayan noong 2016. Hindi man kinukumpirma ni John Lloyd, alam na ng lahat na matagal na silang nagsasama ni Ellen Adarna with their son Baby Elias.
Sa tanong naman kung sino sa mga dating boyfriend niya ang “yummiest” o pinaka-sexually attractive, sagot ni Angelica hindi na siya attracted sa tatlong aktor.
Pero hirit niya, “Siyempre, kaya naman ako na-attract kay Derek dahil sa katawan niya, ma-abs, ganyan. Tatlo lang naman kasi sila, at parang so far, siya lang naman ang may abs sa lahat.”
Sa isa pang panayam, sinabi ni Angelica na mas gusto niyang pagtuunan ng atensyon ang kanyang sarili at pahinga muna sa pakikipagrelasyon.
“Sobrang grateful ng heart ko. Gusto ko sana maramdaman ito ng ibang tao na mag-isa, na hindi mo kailangan ng ibang tao to be happy. Kabuuan talaga ng isang tao ‘yon.
“Ang simple-simple ng happiness na makukuha mo sa mga bagay-bagay, kung liliitan mo lang ang expectations mo, ‘yung source of happiness mo,” paliwanag pa ng Kapamilya actress na mukhang nag-eenjoy nga sa pagiging single.