LAS VEGAS, NEVADA – Ito ang tinaguriang entertainment capital of the world.
Kumpleto na nga naman dito sa Las Vegas, mapa-casino, sports at beauty pageants, dito ginagawa.
Naparakarami rin nating mga kababayan ang nagtatrabaho sa mga casino, hotel at restaurants dito. Pero siyempre, kahit saang panig ng Amerika, hindi maaaring walang Pinoy na nagtatrabaho sa mga hospital tulad ng mga nurses at maging mga doktor pa nga.
Kung trabaho lang naman din ang pag-uusapan, maraming trabaho rito sa Las Vegas. All year round ‘ika nga na dinarayo ito ng mga
turista.
Sabi ng isang Pinoy na matagal nang nagtatrabaho sa casino rito, nagtatapon lang ‘anya ng pera ang mga turista rito para magsugal at mag enjoy. Nangangahulugan naman iyon ng mara-ming trabaho para sa kanila. Hanggang may turista, may perang papasok sa estadong ito, at maraming manggagawa ang kailangan nila.
Kilalang masisipag ang mga Pinoy. Bukod pa sa galing ‘anya nilang mag-Ingles, kung kaya’t gustong-gusto sila ng kanilang mga employer, ayon sa isang American national na nakakuwentuhan natin.
Ito ang mga katangian ng Pilipino na siyang nagpapangyaring maka-ungos sila sa ibang mga manggagawa sa ibayong dagat. Kayang kaya nilang makipag-sabayan ‘ika nga at hindi rin naman pahuhuli ang mga ito pagdating sa talino at abilidad sa kanilang mga trabaho.
Kaya nga lamang, katulad din sa maraming mga bansa, kapag natikman na ng Pinoy ang kakaibang buhay sa labas ng Pilipinas, bukod pa sa may magandang klima, magugustuhan na niyang mamuhay doon, nanaisin niyang huwag na lamang bumalik at manatili na lamang ng pangmatagalan. At kung may pagkakataon, kukunin nila ang kapamilya upang magsama-sama na sila.
Sa Las Vegas, pami-pamilyang Pinoy rin ang makikita dito. Noon, kapag nauna si Tatay, kukunin si nanay at pagkatapos ay susunod na ang mga bata. Maluwag pa kasi noong pumasok sa Amerika.
Ang iba naman, galing sa ibang state, saka lilipat dito sa Las Vegas. Tulad din ng mga napuntahan nating state na dinarayo at pinipiling pamuhayan dahil sa mababang cost of living, isa rin ‘anya ang Las Vegas na maituturing na magandang tirahan.
Mas marami ‘anya ang lumilipat ngayon sa Las Vegas dahil sa mas murang mga pamilihin dito. Ganyan naman sa Amerika, hahanap at hahanap, hindi lamang ang ating mga kababayan ng magugustuhan nilang state na mas murang mabuhay. Kahit pa nga ang ibang mga lahi o kahit pa ang sariling mga mamamayan nila, ganyan din ka-praktikal mag-isip dito.
May mga kababayan tayong nakapangasawa ng American at nagpapa-lipat-lipat din sila ng state. Patuloy nilang sinusubukang mamuhay kung saan mas angkop para sa kanilang situwasyon at kakayahang kumita.
Kahit naman saang bansa tayo naroroon, hindi na madali ang buhay ngayon. Marami ang patuloy na nagsusumikap, maka-ungos man lamang ‘anya ng kahit kaunti. Kaya ang mga Pinoy, patuloy ding nakikipag-sabayan dito sa Amerika.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com