MARAMING dahilan kung bakit humahataw pa rin ang DZMM Radyo Patrol na nagdiriwang ngayong taon ng ika-33 anibersaryo.
Dalawa rito ang pagkakaroon ng masasayang mga talakayan na kapupulutan ng aliw at bagong kaalaman, at ang hindi nawawalang hangarin na magbigay ng serbisyo publiko upang makatulong sa taong-bayan.
Kitang-kita ang mga katangiang ito sa mga programang “Todo-Todo Walang Preno” nina Ariel Ureta at Winnie Cordero at “Good Job” ni Danny Buenafe at Rica Lazo.
Tulad ng mga beteranong anchor nito, nananatiling patok sa mga tagapakinig at tagapanood ang “Todo-Todo,” na kahit 15 taon na sa ere ay patuloy na tumatanggap ng parangal tulad ng Best Variety Program for Radio sa 27th KBP Golden Dove Awards.
Kilala ang programa sa mga segment nito tulad ng “Sabi ng Lolo Ko,” kung saan pinapaalala ni Ariel ang mabubuting asal tulad ng paggalang sa nakatatanda at pagmamahal sa bayan, at “WinWin Solutions,” kung saan si Tita Winnie naman ang nagbibigay ng tips at solusyon sa mga karaniwang problema ng mga nanay tulad niya.
Kaabang-abang rin ang “Todo-Todo Kuro Kuro” at “Todo Kwentuhan Kasama Ang Mga Sikat,” na parehong nilalabas ang galing ng dalawa sa pagtalakay ng iba-ibang usapin, showbiz man on mga isyung may kinalaman sa pamilya.
“Pinagsisikapan naming bigyan sila ng bagong pananaw araw-araw, taon-taon. Kahit na gaano ka ganda ang mensahe natin sa kanila, kung ‘yun at ‘yun lang paulit-ulit araw-araw, maghahanap ng ibang pakikinggan ‘yung ating mga suking tagapakinig,” ani Ariel.
Dagdag ni Winnie, nananatili silang inspiradong maghatid ng impormasyon at saya sa mga Pilipino, “Isang pribilehiyo talaga ang makapagbahagi ng pananaw at kaalaman sa ating mga kababayan, at iyon bang mapatawa o mapasaya mo sila araw-araw.”
Hindi rin pahuhuli ang bagong tandem ng DZMM na layunin ay tulungan ang mga Pilipinong makahanap ng magandang trabaho at hanapbuhay, at bigyan sila ng tamang gabay upang maabot at mapanatili ang inaasam nilang estado sa buhay.
Sa “Good Job,” nagsanib-pwersa ang Kapamilya news legend na si Danny Buenafe, ang dating news bureau chief ng ABS-CBN sa Middle East at Europe, at ang “Wow Trending” anchor na si Rica Lazo, na lumalabas sa parehong DZMM at ANC.
Ayon kay Danny, nagagamit niya ang kanyang nabuong network bilang mamamahayag sa kanilang pagbabalita ng mga job vacancies at opportunities dito at sa ibang bansa, at pagtalakay sa mga isyung may kinalaman sa labor.
Dagdag ni Rica, makakatulong din nila sa paghatid ng serbisyo ang mga ahensya ng gobyerno, mga representate mula sa iba-ibang industriya, at lokal na opisyal na kanilang makapapanayam at makakakwentuhan sa programa.
Ani Rica, “Sa dami ng responsibilidad natin, hindi natin afford ang petiks lang. Kung naghahanap ka ng makapagbibigay sa iyo ng opportunities, tips, at usapang nakaka-inspire sa pagtatrabaho, ito ang programang para sa inyo.”
Abangan sina Ariel at Winnie sa “Todo-Todo Walang Preno”, Lunes hanggang Biyernes ng 3 p.m., at Danny at Rica tuwing Sabado, 2 p.m. sa DZMM TeleRadyo, na nanalo ring Best AM Radio Station sa 2nd Animo Media Choice Awards.