AMINADO ang Palasyo na walang maiaalok na trabaho sa tinatayang 60,000 manggagawa na apektado ng pagsasara ng 30,000 Lotto outlets sa buong bansa.
Sa briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na hindi rin namang mahihirap ang mga empleyado ng Lotto.
“Eh I’m sure iyong namang mga naapektuhan, hindi naman sila ganoong kahirap. Marami naman silang kinita during those times na they were operating, so I’m sure mayroon silang pondo to live by,” sabi ni Panelo.
Nauna nang ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang pagpapahinto ng mga sugal, kabilang na ang Lotto, STL at Keno dahil sa malawakang katiwalian sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
“Eh ang mahalaga iyong katiwalian na naganap eh maihinto. Kailangan kung minsan mayroon tayong sakripisyong ibibigay para sa kabutihan ng pangkalahatan,” dagdag pa ni Panelo.