Ariel Ureta, Winnie Cordero 15 taon nang mag-partner sa radyo
ANG dalawang Umagang Kay Ganda host na sina Ariel Ureta at Winnie Cordero ay kinakitaan ng magandang rapport kaya pinagsama sila sa programang “Todo-Todo Walang Preno” ng DZMM Radyo Patrol 630 tuwing 3 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes.
Ilang beses na rin naming napakinggan sina Ariel at Winnie at talagang maaaliw ka dahil masaya silang pareho sa radyo habang pinag-uusapan ang tungkol sa kung anu-anong paksa.
Ayon kay Ariel, “Ni-request niya ako (na maging co-host).”
Paliwanag naman ni Winnie, “Hindi kasi siya ang original partner ko, si Joey Galvez tapos si Joey had to go back sa kanyang graveyard show so, biglang may Ariel Ureta na which story I don’t know.”
Singit ni Ariel, “Ako’y nagmakaawa na sana hindi na ako nagtrabaho sa radyo, e, bigla akong sinaksak sa Todo-Todo Walang Preno, pero happy naman ako.”
Taong 2004 nang magsimula ang nasabing radio show kaya kung susumahin ay 15 years na ang programa.
Naikuwento rin nina Ariel at Winnie ang ilang experience nila pagdating sa mga topic na kanilang pinag-uusapan na sa paniniwala nila ay hindi interesado ang listeners pero kailangan nilang gawan ng paraan na maging interesante sa mga tagapakinig.
Hindi rin maiiwasang may mga taong nagpo-promote ng kanilang mga pelikula, programa at album (singer) na kung minsa’y walang mga pangalan pa kaya medyo hirap sila kung ano ang magandang pag-usapan para makuha nila ang atensyon ng mga nakikinig.
“Actually, any topic naman, it is how the way we present it kasi hindi kami nagta-tackle ng issues kasi hindi namin linya ‘yun, ang sa amin ay ipakita ang kagandahan ng tao, kagandahan ng idinudulot ng event na ito,” saad ni Winnie.
Katwiran naman ni Ariel kapag may guest sila ay hindi puwedeng dito lang sila dumepende dahil may mga guest na eager na eager mag-promote maski walang kuwenta ang pag-uusapan.
May mga guest naman na may magandang topic pag-usapan pero ang daming isyu sa katawan na kailagang sunduin pa o kaya pahirap magbigay ng oras o araw o kaya totally ayaw na talaga.
“Minsan tsamba-tsamba kapag may mga pino-promote kaming big stars sa ABS, e, di ayos kaysa sa mga indie films na wala namang kuwenta kaya hindi puwedeng dumepende talaga sa guest dahil unang-una hindi kami nagbabayad ng guests, so dapat may portion doon (programa nila) na may happiness,” katwiran ng TV-radio host.
May audience participation din kapag oras na ni Ariel kaya maraming feedback na mga karaniwang tanong at magbibigay ang dalawa ng sarili nilang opinyon.
“We make sure na araw-araw dapat mayroon kaming something to ask the audience that remind them that life is good,” saad pa ni Ariel.
Sa segment na “Sabi ng Lolo Ko” ay ipinapaalala ni Ariel ang mabubuting asal ng mga Pinoy tulad ng paggalang sa nakatatanda at pagmamahal sa bayan.
“WinWin Solutions” naman ang segment ni Winnie na nagbibigay ng tips at solusyon sa mga karaniwang problema ng mga nanay tulad niya.
Kaabang-abang rin ang “Todo-Todo Kuro Kuro” at “Todo Kwentuhan Kasama Ang Mga Sikat” kung saan tinatalakay nila ang iba’t ibang usapin, showbiz man on mga isyung may kinalaman sa pamilya.
Inamin din ng dalawa na may mga topic silang maraming nagre-react kaya ang sabi ni Ariel, “May mga nagsasabi nga na baka may namamagitan na sa amin, eh (kaswal kasing napag-uusapan) kasi sobrang close naming dalawa.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.