Santino ng ‘May Bukas Pa’ binago ang buhay ng mga taga-Bacolor, Pampanga

ZAIJIAN JARANILLA AT FR. JESUS MANABAT KASAMA ANG ILANG TAGA-BACOLOR

SAMPUNG taon na mula nang huling napanood ang inspirational na teleseryeng May Bukas Pa sa ABS-CBN pero damang-dama pa rin ang positibong epekto nito sa komunidad na nagsilbing lokasyon nito.

Sa tribute video na ipinalabas kamakailan lang ng Kapamilya network para sa ika-65 na anibersaryo nito, ikinuwento ng ilang mga taga-Bacolor, Pampanga kung paano binago ng programang pinagbidahan ni Zaijian Jaranilla ang kani-kanilang buhay.

Ayon sa dating Kura Paroko ng San Guillermo Church na si Fr. Jesus Garcia Manabat Jr., nakatulong ang pagsikat ng May Bukas Pa sa muling pagbangon ng simbahan at ng Bacolor, na nasalanta ng lahar.

“After ng ilang buwan ng pagninilay-nilay, nagkaroon kami ng lakas ng loob na magumpisa. Eventually, ang isa sa magandang nangyari noon naging landmark (ang simbahan). Biglang pumasok ‘yung ABS-CBN noon and because of May Bukas Pa parang ‘yung pang araw-araw na nakikita nila sa TV, parang nagbigay ng lakas ng loob sa maraming tao,” ani ni Fr. Jesus.

Dahil marami na ang dumarayo roon para makita ang simbahan at ang cast ng programa, lumago rin ang karinderya ni Apu Puring, na ginamit ring lokasyon sa ilang eksena. Si Rowena Roado naman, ipinangalan ang anak na ipinagbubuntis kay Santino (Zaijian) dahil gusto niya itong lumaking malapit sa Diyos.

Maging ang extra noon na si Kristian Rei Cayanan, hindi pa rin malimutan kung paano siya naengganyo ng May Bukas Pa na magdasal at kausapin si “Bro” at maging isa na ngayong seminarista.

Dagdag pa ni Father, “Marami sa mga taga-Bacolor ang natulungan ng programa na mas magkaroon ng magandang kinabukasan. Nakatulong siya sa kabuhayan. Nakatulong siya ng malaki sa pananampalataya.”

Naging espesyal pa ang naging pagbisita ng ABS-CBN sa kanila sa pagdating ni Zaijian na sinamahan sila sa pagdarasal.

Samantala, patuloy ang ABS-CBN sa paghahatid ng mga “Kwentong Kapamilya” na may dalang inspirasyon at pag-asa. Nitong nakaraang Huwebes, napanood ng mga Kapamilya viewers ang kwento ng pamilya ni Shane Aubrey de Vega na may sakit na brain cancer. Sa tulong ng DZMM, natupad ang kanyang pangarap na makita ang kanyang idol na si Toni Gonzaga.

Nitong Biyernes naman, nakilala si Mommy Tess Cachero, isang cancer patient na hilig ang manood ng It’s Showtime para hindi niya maramdaman ang sakit tuwing iniiniksyunan ng gamot. Tulad ni Shane, nabigyan din siya ng pagkakataong makilala ang mga idolo tulad nina Vice Ganda, Anne Curtis at Vhong Navarro na nakatulong sa kanyang pagbangon.

Abangan ang kanilang mga #KwentongKapamilya pagkatapos ng TV Patrol sa ABS-CBN at sa Facebook page ng ABS-CBN at ABS-CBN Entertainment YouTube channel.

Read more...