PDEA, walang pera

DINUDUROG ang kaaway. Huhugutin ang tabak at pupuksain. Lalamunin sila ng lupa. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Ex 14:21, 15:1; Ex 15:8-10, 12, 17; Mt 12:46-50) sa Martes sa ika-16 na linggo ng taon, sa Paggunita kay Santa Brigida, relihiyosa.
***
Pabor ang marami sa bitay-droga. Pabor din ang tiwaling mga piskal (prosecutor) at pulis sa bitay-droga. Ang bitay-droga ay magsisilbing panakot sa mahuhuling lumabis sa gramo; o kundi’y daragdagan lang ang gramo para pasok sa labis. Sa bitay-droga, madali nilang mapasusuka ng milyones ang mahuhuli. Sino ba naman ang magpapabitay dahil sa droga? Maging mga tsekwa ay takot sa bitay-droga.
***
Dito nagkapera ang mga huwes ng Magnificent 7; kaya nang mabuking ay agad na inalis sila sa isang bubong at ikinalat sa maraming bubong para di na makapangurakot. Pero, sa planong-Duterte, tila di na maaambunan ng milyones ang mga huwes dahil mahaharang na ito ng tiwaling mga piskal at pulis. Ang katiwalian, siyempre, ay nagsisimula sa PCP at inquest.
***
Sa PCP, kayang ikulong ang suspek ng mahigit 36 oras basta agad na makapagpapadala ng “referral slip” sa piskalya ang istasyong nakasasakop sa PCP; ligtas na siya sa serious illegal detention. Sa dami ng nahuhuli sa droga, di na rin kasya ang oras sa inquest para siyasatin at basahan ng asunto ang suspek. Pero, iba ang usapan kapag mayaman ang suspek.
***
Sa bawat operasyon ng PDEA na kasama ang PNP, may timping kurot sa puso ang ilang ahente ni Director General Aaron Aquino, ang magiting, matapang at malinis na hepe. Buwis-buhay ang PDEA, tulad ng PNP. Pero, malaki ang suweldo ng PNP at kalahati lang ng suweldo ng pulis ang tinatanggap ng PDEA agents. Pag napatay, mas maraming benepisyo na tatanggapin ang PNP kesa PDEA. Hindi hangad ng PDEA agents na maging bayani na may monumento. Ang hangad nila ay makapamuhay ng marangal ang kanilang pamilya.
***
Simula sa panahon ni Dionisio Santiago hanggang ngayon, di maiiwasang madarang sa apoy ang mga ahente. Lumalaban si Aquino sa tukso at 90% ang kanyang tagumpay, kaya pinagkakatiwalaan pa rin ang PDEA. Sa kakarampot na suweldo at walang umento hanggang ngayon, sino’ng di matutukso sa P5 milyon hatag, in cold cash, on the spot?
***
Umalma ang mga trapo (politiko) sa nais ni Digong na bitayin ang mga mapatutunayang nagkasala sa plunder (pandarambong, tulad ng ginawa ni Erap noong siya’y presidente). Kawawa naman ang mahihirap kung sila lang ang bibitayin sa kasong droga dahil wala silang pera para bayaran ang serbisyo ng de campanillang abogado. Kung bibitayin ang mga politiko, na mayayaman, ay pantay na ang mundo, na nais ni Santo Rodrigo. Hindi papanig ang taumbayan sa simbahan na kontra-bitay. Bakit si Christian Bishop Benny Abante ay panig sa bitay sa droga’t plunder? Ang bitay, o pugot, ay kalakaran sa Moro. Do not take life – which God has made sacred – except for just cause. Qur’an 17, 33, Islam. Allahu Akbar.
***
Sa kalahati ng termino, bigo si Duterte na ibangon ang sektor ng agrikultura. Bansot ang agrikultura, imbes na lumago. Kamatis, subuyas, talong at okra ang pangunahing gulay ng aba. Mataas ang presyo ng mga ito (at nariyan ka pa rin, Manny Pinol).
***
UST (Usaping Senior sa Santo Rosario, Malolos City, Bulacan): Resulta ng boto: panalo ang dasal. Ang pinagtalunan: ano ang mabisang paraan para labanan ang mabilis na pagtanda? Pumangalawa ang disiplina sa sarili at kalusugan. Amen.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa Sumapang Matanda, Malolos City, Bulacan): Bakit marami ang tamad? Ang Number 1 sagot: gadgets. Ang Number 2: tambay at tsismis.
***
PANALANGIN: Sa ngalan Mo, iginagapos ko ang lahat ng puwersa ng diyablo. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Bakit di na ibinabalita sa diyaryo ang bista ni Trillanes dito? Di na siya senador kaya miss na namin siya. …2810, Gov. Vicente Duterte, 2nd Agdao, Davao City

Read more...