Lou Yanong nakakuha ng trono sa PBB Otso Big 8

Isang trono na lang ang pag-aagawan ng mga natitirang Pinoy Big Brother Otso housemates para makapasok sa Big 8 at magkaroon ng chance na maging Ultima8 Big Winner.

Kamakalawa, maswerteng naibigay ang 7th “throne” kay Lou Yanong matapos makakuha ng mas malaking text votes sa ginanap na botohan last Wednesday.

Umingay ang pangalan ni Yanong sa loob ng Big Brother house dahil sa kontrobersyal na relationship nila ni Andre. Kung matatandaan, naging usap-usapan sa social media ang mga intimate scenes nila sa swimming pool.

Nakalaban ni Lou sa public poll si Andre Brouillette, ang housemate na naging boyfriend niya nang magkasama sila sa loob ng Bahay Ni Kuya.

Parehong members ng second batch ang dalawa housemates. Ang dalawa pang nakasama nila sa batch 2 na sina Fumiya Sankai at Yamyam Gucong ay nauna nang pumasok sa Big 8.

Ang apat pang makakalaban nila sa Big 8 sa gaganaping Big Night next weekend ay sina Lie Reposposa, Ashley del Mundo, Kiara Takahashi at Kaori Oinuma.

Ibabandera naman ang pangalan ng huling housemate na papasok sa Big 8 sa mga susunod na episodes ng PBB Otso na napapanood pa rin after Sino Ang May Sala sa Primetime Bida at sa Kapamilya Gold.

Read more...