BUMABA ang net satisfaction rating ni Vice President Leni Robredo, Senate President Tito Sotto III, dating Speaker Gloria Macapagal Arroyo at Supreme Court Chief Justice Lucas Bersamin sa survey ng Social Weather Station noong Hunyo.
Mula sa 42 porsyento noong Marso, bumaba ang net satisfaction rating ni Robredo sa 28 porsyento (57 porsyentong satisfied, 14 undecided at 29 dissatisfied).
Si Sotto naman ay bumaba ng isang puntos at nakapagtala ng 60 porsyento (72 porsyentong satisfied, 14 undecided at 13 dissatisfied).
Si Arroyo naman ay -20 porsyento (29 porsyentong satisfied, 22 undecided, 49 dissatisfied) mula sa -10 porsyento. Si Arroyo pa ang speaker ng Kamara ng gawin ang survey.
Si Bersamin ay nakapagtala ng 13 porsyento (37 satisfied, 26 undecided at 24 dissatisfied).
Tumaas naman ng tig-isang puntos ang rating ng Senado na nakatala sa 63 porsyento at Kamara de Representantes na naitala sa 48 porsyento.
Apat na puntos naman ang itinaas ng net satisfaction rating ng Korte Suprema na naitala sa 54 porsyento.
Ang Gabinete naman ni Pangulong Duterte ay naitala sa 51 porsyento, tumaas mula sa 44 porsyento.
Sa pamantayan ng SWS, ang net satisfaction ratings na +70 pataas ay excellent, ang +50 hanggang +69 ay very good, +30 hanggang +49 ay good, +10 hanggang +29 ay moderate, +9 hanggang -9 ay neutral, -10 hanggang -29 ay poor, -30 hanggang -49 ay bad, -50 hanggang -69 ay very bad, at ang -70 pataas ay execrable.
Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents. Mayroon itong error of margin na plus/minus 3 porsyento.