GINAHASA ang walong-anyos na batang babae at isinilid pa sa sako ng isang construction worker sa Taguig City noong Linggo.
Sa inisyal na ulat mula kay Col. Alexander Santos, Taguig City police station commander, sinabi niya na pauwi na sana ang biktima nang lapitan siya ng suspek na si Sotero Manuguid Jr. at alukin ng pera ganap na alas-3 ng hapon.
Idinagdag ng pulisya na sumama ang biktima kay Manuguid hanggang makarating sa isang bakanteng lote sa kahabaan ng Katwiran st. sa Barangay Ibayo-Tipas, kung saan niya umano ito ginahasa at sinakal.
Nang inakalang patay na ang bata, isinilid ni Manuguid ang biktima sa sako at agad na tumakas.
Nagawa naman ng bata na makalabas sa sako at iulat ang insidente sa kanyang nanay na humingi naman ng tulong sa mga opisyal ng barangay at Taguig City police.
Naaresto si Manuguid noong Linggo sa Barangay Ibayo-Tipas at dinala sa Taguig City police headquarters.