Laro Ngayon (Hulyo 23)
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Magnolia vs Barangay Ginebra
7 p.m. Rain or Shine vs Blackwater
TAPUSIN ang kanilang serye ang hangad ng defending champion Barangay Ginebra Gin Kings at Rain or Shine Elasto Painters sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals ngayong Martes sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Asinta ng Gin Kings ang ikalawang panalo kontra Magnolia Hotshots sa kanilang alas-4:30 ng hapon na opening game habang pakay din ng Elasto Painters na tapusin na rin ang kanilang serye kontra Blackwater Elite sa kanilang alas-7 ng gabi na laban.
Kung magwawagi ang Gin Kings makukuha nila ang unang silya sa semifinals. Subalit kapag ang Hotshots ang nagwagi nangangahulugan ito ng isang do-or-die Game 3 sa Huwebes.
Ganito rin ang sitwasyon ng Elasto Painters na habol din ang ikalawang panalo para makabalik sa semis matapos ang halos dalawang taon.
Nagawang makabangon ng Gin Kings sa ikaapat na yugto ng Game 1 para talunin ang Hotshots, 85-79.
Subalit hindi naman basta-basta susuko ang Hotshots na pipiliting maitulak ang kanilang serye sa isang sudden death game.
Umaasa rin ang Magnolia na maputol ang limang sunod na pagkatalo katuwang ang bagong import na si Greg Smith.
Samantala, puntirya rin ng Elite na makahirit ng rubber match sa salpukan nila ng Elasto Painters.
Nagawang magtala ng Blackwater ng siyam na puntos na kalamangan sa huling dalawang minuto ng laro subalit nasilat sila ng Rain or Shine matapos na makapagbuslo si Rey Nambatac ng tres sa huling 2.3 segundo ng Game 1 para maitakas ng Elasto Painters ang 83-80 pagwawagi.