DUMAMI ang mga Pilipino na nakaranas na walang makain sa nakalipas na tatlong buwan, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hulyo 22-26.
Tinatayang 2.5 milyong pamilya (10 porsyento) ang nagsabi na naranasan nila na walang makain sa nakalipas na tatlong buwan, mas mataas sa 2.3 milyong pamilya (9.5 porsyento) na naitala sa survey Marso.
Sa 10porsyentong naitala, 8.7 porsyento ang nakaranas na walang makain ng isa o ilang beses lang samantalang ang 1.3 porsyento (320,000 pamilya) ang nakaranas ng madalas o maraming beses na walang makain.
Pinakamarami ang nakaranas na walang makain sa National Capital Region na naitala sa 15.7 porsyento. Sumunod ang iba pang bahagi ng Luzon (9.3 porsyento), Mindanao (9.0 porsyento) at Visayas (8.7 porsyento).
Ang survey ay may error of margin na plus/minus 3 porsyento. Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,200 respondents.