Bianca: Natupad na rin sa wakas ang dream ko na maging sirena

NATUPAD na rin sa wakas ang isa sa mga pangarap ng Kapuso actress na si Bianca Umali! Iyan ay ang gumanap bilang sirena.

Yes, sa mga susunod na episode ng Kapuso primetime series na Sahaya, mapapanood si Bianca bilang isa sa mga dancing mermaid sa Ocean Park.

Ito ang papasuking raket ni Sahaya (Bianca) para magkapera at makabayad sa utang nila sa ospital kung saan naka-confine ang nanay niyang si Manisan (Mylene Dizon) matapos nga itong maaksidente.

Dumalaw kami kamakailan sa taping ng Sahaya sa isang kilalang school sa Quezon City at doon nga namin nakachikahan si Bianca at ang isa sa mga leading man niya sa serye na si Migo Adecer playing Jordan.

Tuwang-tuwang ibinalita ng dalaga ang mga eksena niya bilang dancing mermaid na isa sa mga tagpong magpapabago sa buhay niya at ng kanyang pamilya sa Maynila.

Sa mga namamasyal sa Luneta, lalo na sa Ocean Park, isa ang mga dancing mermaids ang talagang pinupuntahan doon. Naging tourist attraction na nga ito kaya talagang palaging maraming nanonood.

“Noong bata po kasi ako, isang dream ko ay maging sirena, kaya hindi man ako naging si Dyesebel, sirena pa rin po ako sa bago kong role.

“Hindi po naman problema sa akin dahil nga bago kami nag-start mag-taping ng Sahaya, nag-imersion na ako sa character ko bilang isang Badyaw kaya nag-scuba diving ako at nag-free diving ako sa malalim na lugar sa dagat. I love my role,” kuwento ni Bianca.

Bukod dito, naikuwento rin ng Kapuso actress na napakarami pang mangyayari sa Sahaya, bukod kasi sa love story nila ni Ahmad (Miguel Tanfelix), idagdag pa ang pa-ngungulit ni Jordan (Migo) sa kanya, may mga magaganap pa sa kuwento na siguradong ikagugulat ng Kapuso viewers.

“Kasi si Sahaya, marami pa siyang gustong gawin sa buhay niya, she’s very independent kaya abangan nila yan. At siyempre, yung pagtuklas niya sa katotohanan, ano ba talaga ang bumabalot sa kanyang pagkatao,” chika pa ni Bianca.

Napapanood pa rin ang Sahaya sa GMA Telebabad after 24 Oras sa direksyon ni Zig Dulay. Kasama pa rin dito sina Ana Roces, Zoren Legaspi, John Feir, Ashley Ortega, Snooky Serna, Pen Medina, Eric Quizon at marami pang iba.

Read more...