Alaska dinurog ang TNT para makapuwersa ng do-or-die quarterfinals game

Laro sa Martes (Hulyo 23)
(Smart Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Magnolia vs Barangay Ginebra
6:45 p.m. Rain or Shine vs Blackwater

IPINAMALAS ng Alaska Aces ang matinding paglalaro matapos nitong durugin ang TNT KaTropa, 108-72, sa kanilang 2019 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals game Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Ang Aces ay pinamunuan ng import nitong si Diamon Simpson at Jeron Teng na kapwa may 15 puntos. Si Simpson ay humablot din ng game-high 19 rebounds.

Sina Simon Enciso at Chris Banchero ay nagdagdag ng tig-14 puntos habang sina Vic Manuel at Carl Bryan Cruz ay nag-ambag ng 13 at 11 puntos para sa Alaska na ang kalamangan ay umabot sa 38 puntos.

Umiskor si Jayson Castro ng 23 puntos para pangunahan ang KaTropa na hindi nakakuha ng mga matinding numero mula sa import nitong si Terrence Jones na nagtala lamang ng 19 puntos at anim na rebounds.

Ang TNT at Alaska ay magsasalpukan sa isang do-or-die  quarterfinals game ngayong Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, nakahirit ang San Miguel Beermen ng sudden death quarterfinals game matapos nitong tambakan ang NorthPort Batang Pier, 98-84.

Namuno para sa Beermen si Chris Mccullough na gumawa ng 24 puntos at 11 rebounds.

Read more...