LAHAT tayo gustong marinig ang accomplishment report ni Pangulong Aquino sa kanyang SONA mamaya. Marami na talaga siyang nagawang pagbabago, partikular sa paghahawak ng pondo ng gobyerno. Nawala ang tongpats sa DPWH nang umupo si Sec. Babes Singson at tumino ang mga dati’y overpriced na asphalt overlay, concreting, flood control at tulay at mga government buildings.
Tumaas ang sweldo ng mga teachers, pulis at mga opisyal at empleado ng gobyerno, kasama ang mga PAGASA weather forecasters, mga Huwes at piskal sa ilalim ng Korte Suprema. At siyempre lumaki rin ang koleksyon ng buwis dahil sa walang humpay na paghahabol sa mga tax evaders.
Subalit hinihintay pa rin natin sa pangulo ang kanyang “kontrata” sa kanyang mga boss lalong lalo na sa kahirapan ng buhay. At dito, pangunahing problema ay ang nagmamahal na mga bilihin. Kasama na rin diyan ang walang humpay na pagpapahirap ng MWSS at dalawang concessionaires nitong Manila Water at Maynilad sa tubig gayundin ang Energy regulatory commission, Meralco at mga IPPs kuryente.
Babatikusin ba ni PNoy ang Maynilad at Manila Water kasama ang MWSS dahil sa mga di makatwirang dagdag singil sa tubig? O magsasawalang kibo na lang kahit hirap na sa buhay ang kanyang mga Boss?
Kung ako’y adviser ni PNoy, dapat ikumpara niya sa Sona ang buhay ng Pilipino magmula noong July 2010 nang siya’y unang umupo sa pwesto hanggang ngayong July 2013. Gumanda nga ba ang buhay ng tao matapos ang kanyang tatlong taong pagseserbisyo? Wag niyang bolahin ang sarili niya sa mga ibinibigay na datos ng kanyang mga adviser. At pwede ba, huwag nating sisihin ang paghihirap natin lagi na lang sa overpopulation at hindi gobyerno ang may kasalanan dito?
Nakita ba natin ang pangako niyang political will sa mga isyu ng bayan? Bakit matapos ang tatlong taon, ay kinamumuhian na tayo ng China, ng Hongkong at maging Taiwan? Bakit ba inaapi-api tayo sa Malaysia, Saudi Arabia at sa Middle East at ang mga Pilipino’ dooy biktima ng ibat ibang uri ng karahasan bukod pa sa pagiging una sa tanggalan ng trabaho?
Bakit sa tuwing may mga trahedya sa bansa, halimbaway iyong pananalasa ng bagyong Pedring o sa Compostela Valley ay laging atrasado si PNoy at nauuna pang pumunta si VP Binay. Maging sa pakikiramay sa mga namatay sa sundalo sa giyera o mga inambus na pulis ng NPA, hindi natin nakita si presidente? Si Binay na naman ang naroon.
Nakiramay nga si PNoy pero doon naman sa pamilya ng babaeng drug mule na binitay sa China kamakailan lang.
Meron ba tayong presidente, ang tanong ng marami?
Marahil, dapat maging mas visible si PNoy sa publiko ganitong tatlong taon na lang siya sa pwesto. Ipakita niyo po bilang ama ng sambayanan na nandyan kayo sa tabi namin at all times.
q q q
Ilang araw bago ang SONA, nabandera P10-B pork barrel scam ng JLN enterprises at sangkot ang limang senador at 23 kongresista. Bumuo na ng mga probe body. At dito sangkot ang mga prominenteng lider ng oposisyon, sina dating Senate President Juan Ponce Enrile, Gringo Honasan at mga 2016 contenders na sina Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Bongbong Marcos kasama ang 23 congressmen.
Pulitika ba ito o talagang may kaso? Sa tingin ko pareho ang sagot. Pero, hindi naman natutulog ang oposisyon at meron din silang atake. Ang problema lamang ay banggitin kaya ng Pangulo ang mga katiwalian sa kanyang administrasyon?
Ang tinutukoy ko ay itong apat na opisyal ng DOTC na pawang appointee ni DILG Secretary at dating DOTC Secretary Mar Roxas na umanoy nangongotong sa isang kompanyang taga Czechoslovakia. Diumano, gustong magsupply ng mga bagong coaches sa MRT3 ng naturang kumpanya at sinamahan pa ng kanilang embahador sa bansa. Ayon mismo kay Czech Ambassador Josef Rychtar, ang INEKON group of companies ay hiningan ng $30-M ng mga DOTC officers hanggang sa bumaba ito sa $2.5M.
Hindi raw totoo, sabi. ni Amb. Rychtar na sangkot sa transaksyon dito ang Presidential sister na si Ballsy Cruz at asawa nitong si Eldon Cruz. Ilang ulit na raw nagsumbong si Rychtar kay DOTC sec. Joseph Abaya pero ni hindi man lamang ito nag-imbestiga.
Nagtataka si Amb. Rychtar kung bakit ang isang administrasyon. na ipinangangalandakan ang paglaban sa katiwalian o ang “straight path” o daang matuwid ay napakabagal aksyunan ang shakedown na ito sa DOTC.
Siguro ang ibig sabihin ni Ambassador Rychtar, dito sa DOTC , ang umiiral ay Daang Tagilid!
Para sa komento at tanong i-text ang PIKON, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.