PCOO execs nasa US sa kasagsagan ng SONA preparations

SA kasagsagan ng paghahanda ng mga opisyal ng gobyerno para sa ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Duterte bukas, Hulyo 22, 2019, ilang opisyal naman ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) ay iba ang pinagkaabalahan sa kasagsagan ng preparasyon para sa SONA.

Puspusan ang naging trabaho ng maraming ahensiya para matiyak ang tagumpay ng SONA bukas.
Sa kabila naman na ang PCOO at mga attached agencies nito ang isa sa mga dapat na ‘dakilang abalang’ mga ahensiya, mas pinili naman ng mga opisyal na maging absent sa mga kritikal na araw para bumiyahe sa Amerika.
Kabilang sa mga opisyal ng PCOO na bumiyahe sa US mula July 6, 2019 hanggang July 20, 2019 ay sina Communications Undersecretary Lorraine Badoy, Philippine Information Agency (PIA) Director General Harold Clavite at News and Information Bureau (NIB) Director Virginia Arcla-Agtay.
Pawang mahalaga ang hawak na mga ahensiya nina Badoy, Clavite at Agtay para hindi direktang magkaroon ng partisipasyon sa paghahanda para sa SONA.
Tila wala ring silbi ang Executive Order 77 na ipinalabas ni Pangulong Duterte na nagbabawal sa mga junket na biyahe sa ibang bansa.
“All forms of travel junkets shall be strictly prohibited. The conduct of strategic planning workshops or team building activities abroad shall not be allowed,” ayon sa Section 19 ng EO 77.
Nakalagay pa sa EO77 na kailangang aprubado ng Office of the President (OP) ang mga foreign travel.
Sa pinakahuling biyahe ng mga PCOO officials, tanging si Undersecretary George Apacible ng Good Governance GOCC, Administration and Finance ang nakapirma sa travel order at hindi man lamang si Communications Secretary Martin Andanar.
May mas mahalaga pa kaya sa paghahanda sa SONA para mas piliin ng mga naturang opisyal na bumiyahe sa US sa ‘ora de peligrong’ mga araw?
Kung sasabihin naman ng mga opisyal na makakagalaw ang kanilang ahensiya ng wala sila ay mas dapat magtanong kung kailangan pa sila sa kanilang posisyon.
Kung darating sa bansa ang mga opisyal para makaabot sa mismong SONA bukas, ano pa ang silbi ng kanilang prisensiya gayong nagtrabaho na ang nasa ilalim nila.
Hindi na siguro dapat banggitin na may ban para sa foreign trips para nagdalawang isip ang mga opisyal na piliin bumiyahe sa US, kung kinonsidera nila na ang iiwan nilang trabaho ay ang huling dalawang linggo ng paghahanda para sa SONA.
Kamakailan, nakuwestiyon din ang European trip ng mga opisyal ng PCOO, bagamat mukhang di pa rin natitinag sa mga biyahe sa ibang bansa ang mga ito.
Tiyak ko namang mas epektibo pa ring magagampanan ng mga opisyal ang kanilang tungkulin kung hands-on sa kanilang trabaho at hindi laging nasa biyahe.

Read more...