Putul-putol ang panonood namin ng Ang Babae sa Septic Tank 3 sa iWant noong Hulyo 17. Yes, inabangan talaga namin ito dahil curious kami sa episode 7 kung saan ipakikita na ang naging ending ng nasabing digital series na pinagbibidahan ni Eugene Domingo.
Sa simula pa lang kasi ay nakakatawa na talaga si Direk Eugene o Direk Euge, lalo na sa eksenang ilang beses siyang umakting ng bagong gising dahil sa ingay sa set bukod pa sa nahahagip ng camera ang mga taong nasa paligid niya.
Tawa rin kami nang tawa sa eksena nila ni Direk Jose Javier Reyes kung saan sinabi na ni Uge ang plano niya kung sino ang napipisil niyang gumanap bilang Josephine Bracken. Pero bago nga niya sabihin ito, pinapirma muna niya ang direktor ng kontrata (at agad na pinanotaryo sa kasamang abogado) para hindi na ito makaurong sa proyekto.
At nang malaman na nga ni direk Joey na si direk Euge ang gaganap na Josephine Bracken ay halos atakihin siya sa puso pero wala na ring nagawa dahil nakapirma na siya ng contract.
Hatinggabi na kasi nu’ng panoorin namin ang Babae sa Septic Tank 3 kaya gusto na naming makita agad ang ending.
Heto na. Ang huling episode pala ay ang premiere night ng ginawa nilang movie, ang “The Untold Story of Josephine Bracken” kasama si Tony Labrusca bilang si Jose Rizal at iba pang mga kilalang artista tulad nina Mylene Dizon at Joanna Ampil. Habang nanonood ng pelikula ang lahat ay nakasimangot ang mga ito at si direk Eugene lang ang tuwang-tuwa sa pelikulang ginawa niya.
Sa isang eksena, may mga Rizalista na present sa premiere night na galit na galit sa ginawa ni direk Euge, binaboy daw kasi nito ang kuwento kaya sa tindi ng inis nila pinagbabato nila si Uge ng “poops”.
Sa “Ang Babae Sa Septic Tank 1” ay nalubog si Uge sa poso-negro habang sa part 2 ay nabuhusan siya ng dumi ng tao mula sa tangke at dito nga sa part 3 (digital series) ay solid na solid na ang pinagbabato sa kanya kaya talagang mapapa-eeewwww kayo sa ending.
Ang iWant series na ito ay mula sa Quantum Films at Dreamscape Digital. Mapapanood ito sa iWant app (iOs at Android) o sa iwant.ph.