Pacquiao, Thurman handa na sa bakbakan
MATAPOS na parehong tumimbang sina Manny Pacquiao at Keith Thurman sa146.5 pounds sa kanilang weigh-in Sabado handa na rin ang dalawang boksingero para sa kanilang inaabangang World Boxing Association (WBA) world welterweight title fight ngayong Linggo.
Nakangiting kumaway ang Filipino boxing icon na si Pacquiao sa kanyang mga libu-libong fans na nasa loob ng MGM Grand Garden Arena sa pagharap niya sa wala pang talong kampeon na si Thurman sa huling pagkakataon bago ang kanilang laban.
“It’s going to be a good fight,” sabi ni Pacquiao mula sa stage.
“I want to prove something in this fight. It’s all set for tomorrow,” dagdag ni Pacquiao, na mas magaan ng kalahating libra sa kanyang huling laban noong Enero kontra Adrien Broner.
Sinalubong naman si Thurman ng malalakas na kantiyawan mula sa pro-Pacquiao na mga tao.
“It is my time. This is one time. Manny Pacquiao ain’t doing nothing to me, baby,” sabi ni Thurman.
Tatangkain ni Pacquiao na maagaw ang hawak ni Thurman na WBA “super” welterweight crown, na siyang pinakaprestihiyosong championship belt sa dibisyon.
Ang 40-anyos na si Pacquiao ay aakyat sa ring sa ika-71 pagkakataon sa laban na maituturing na matinding hamon sa kanya magmula nang matalo kay Floyd Mayweather Jr. noong 2015 sa labang tinawag na “Fight of the Century.”
Nagbalik naman ng ring matapos ang dalawang taong pahinga noong Enero si Thurman kung saan tinalo niya si Josesito Lopez para mapaangat ang kanyang tangang record sa 29 panalo at 22 knockout.
Determinado rin ang 30-anyos mula sa Florida na mas lalong sumikat sa pagtala ng panalo kontra Pacquiao at nangako ito na pagreretiruhin niya ang Pinoy boxing superstar sa pamamagitan ng kumbinsidong pagwawagi.
“This is a once in a lifetime opportunity to destroy a legend,” dagdag pa ni Thurman.
Sinabi naman ni Pacquiao (61-7-2, 39 knockouts) na balewala sa kanya ang mga pinagsasabi ni Thurman.
“For me nothing is personal,” sabi pa ni Pacquiao. “Our job is to fight. He has to prove something, and I have to prove something. It’s easy to say things. But it’s not so easy to do it in the ring.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.